SK sa QC suportado ang mandatory drug testing sa kanilang hanay

Ni Santiago Celario

NAGPAHAYAG ng suporta ang mga bagong halal na miyembro ng Sangguniang Kabataan ng Quezon City sa panukalang magkaroon ng mandatory drug testing sa kanilang hanay.

Ito ang napagalaman kahapon mula sa mga miyembro ng SK na dumalo sa SK Drug Education Prevention Program na ginanap sa Amoranto Sports Complex at pinangasiwaan ng tanggapan ni QC Anti Drug Abuse and Advisory Council (QCADAAC) chair at Vice Mayor Josefina “Joy’ Belmonte-Alimurung.

Nagpahayag ng suporta ang mga taga-SK matapos imungkahi ni Belmonte-Alimurung ang pagkakaroon ng mandatory drug testing sa kanilang hanay upang makatiyak ang bayan na “drug free” ang lahat ng uupo na kabataang lider.

Ipinaliwanag ni Belmonte-Alimurung ang pangangailangan para sa isang drug free na barangay upang mabigyan ng maayos na serbisyo ang nasasakupan. Idinagdag pa niya na ang QC ang kauna-unahang Local Government Unit sa buong bansa na maayos na nagpatupad ng anti-drug campaign kaya’t ito ngayon ay modelo ng buong bansa at tinutularan ng ibang mga lokalidad.

Bukod sa mandatory drug testing, hinikayat din ng Vice Mayor ang mga miyembro ng SK na suportahan at pangalagaan ang mga suggestion boxes na nailagay sa mga simbahan at barangay ng lungsod. Ang mga suggestion boxes ay isang paraan para sa taong bayan upang maipaabot sa kinauukulan kung sino-sino ang mga drug dependent sa kani-kaniyang mga lugar.

Kaugnay nito, nabatid ng mga mamamahayag na sa kabuuang 16,000 drug surrenderees sa QC ay umabot na sa 12,600 ang bilang na na-profile ng QCDAAC at isang porsyento sa bilang na ito ay mga kabataan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.