Impeachment at Quo Warranto, isang paliwanag (Wakas)*

NGAYON na natalakay na natin kung ano ang Impeachment, Quo Warranto, kung sino si Maria Lourdes PA Sereno; at napagusapan na rin natin mga pangyayari o bagay-bagay bago ang kontrobersyal na pagkakatanggal sa dating punong mahistrado, ay susubukan nating lagumin ang mga pangyayari.

Bagamat may legal na opinyon ang Usaping Bayan kaugnay ng mga pangyayari ay hindi na natin tatalakayin ito ng malalim dahil marami nang gumawa noon. Lilinawin lamang natin ang mga bagay-bagay at bahala na kayong mga mambabasang magsabi kung ano talaga ang dapat na nangyari.

Malinaw na

Malinaw na ngayon sa atin na ang Impeachment ay isang prosesong politikal at paraan upang matanggal sa poder ang Pangulo ng Republika, ang Ikalawang Pangulo, ang mga mahistrado ng Korte Suprema, mga komisyoner ng Civil Service Commission (CSC), Commission on Elections (COMELEC), Commission on Audit (CoA), at ang Ombudsman. Samantala, malinaw na rin na ang Quo Warranto ay isang administratibong paraan upang maalis sa poder ang isang pinaniniwalaang naupo sa posisyon na may kulang o walang kwalipikasyon.

Malinaw na rin na maraming nasagasaan si dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III ng kanyang iupo si Sereno bilang Chief Justice ng Korte Suprema, at karamihan sa mga ito ay ang siya ring nagdesisyon kamakailan na alisin siya sa puwesto matapos ang anim na taon.

Malinaw na tinanggal si Sereno hindi dahil sa nakagawa siya ng krimen laban sa bayan o kabang bayan tulad ng tinatawag na culpable violation of the Constitution, treason, bribery, graft and corruption, other high crimes, or betrayal of public trust. Siya ay tinanggal dahil lang sa isang tinatawag na kapalpakang administratibo, dahilan para isipin natin na hindi ito talaga ang dahilan ng pagkakasipa sa kanya.

Pansinin na hindi tahasang sinabi ng pamunuan ng University of the Philippines, kung saan nagturo ng mahigit sa sampung taon ang dating Chief Justice bago ito nanungkulan sa Korte Suprema, na hindi nagfile si Sereno ng Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN). Bagkus ang pagkakasabi nito ay hindi lamang makita ang kanyang mga papeles.

Sa ngayon ay matatag na naninindigan pa rin si Sereno na nag-file siya ng kanyang SALN sa lahat ng panahon, at hindi lamang makita ang mga ito ng mga ahensya ng pamahalaan kung saan na file ang mga papeles, dahil na rin sa kalumaan ng siste sa filing. Hindi ba’t totoo naman na may pagkakataon na nawawala ang mga papeles sa mga ahensya ng pamahalaan at hindi lamang kay Sereno nangyayari ang mga ito?

Dahil dito ay kinonsidera ng Judicial and Bar Council, na noo’y pinamumunuan ni Associate Justice Diosdado Peralta, na kumpleto ang kanyang kwalipikasyon para maging pinuno ng Korte Suprema. Malinaw na kung kulang man ang SALN sa papeles na inihain ni Sereno bago siya inendorso para sa pagka-Chief Justice ay legal na pinalagpas ito ng JBC, at kung tutuusin ang may sala rito ay ang nasabing konseho.

Bilang panghuli, naniniwala ang Usaping Bayan na ang dapat nangyari sa Quo Warranto ni Solicitor General Jose Calida ay ibinasura ito o dili kaya ay itinuring lamang na ebidensya sa isang fact finding investigation ng Korte Suprema. Hindi rin dapat nakisangkot sa pagdinig ng Quo Warranto ang mga hiniling na mag inhibit sa proseso alang alang man lamang sa delicadeza.

Ngayon, kung ano man ang findings ng fact finding probe na ito, ay dapat inendorso ng Korte Suprema sa House of Representatives para gamiting ebidensya sa Impeachment trial sa Senado.

Sa huli, naniniwala pa rin ang Usaping Bayan na ang Senado ang dapat humusga kay Sereno.

* * *

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan nyo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.

Basahin Pa:

http://beyonddeadlines.com/2018/05/30/impeachment-at-quo-warranto-isang-paliwanag-unang-bahagi/

http://beyonddeadlines.com/2018/06/01/impeachment-at-quo-warranto-isang-paliwanag-ikalawang-bahagi/

http://beyonddeadlines.com/2018/06/06/impeachment-at-quo-warranto-isang-paliwanag-ikatlong-bahagi/

http://beyonddeadlines.com/2018/06/08/impeachment-at-quo-warranto-isang-paliwanag-ikaapat-bahagi/

  *Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.