Apat na hinihinalang kidnapper at carnapper tiklo sa QC

Ni Santiago Celario

Image © remate.ph

INIHARAP ng Quezon City Police District nitong Biyernes sa mga mamamahayag ang apat na kalalakihan, kabilang ang isang dating pulis at isang dati ring ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency, na sinasabing sangkot sa mga kasong carnapping at kidnapping.

Kinilala ni QCPD Director Chief Superintendent Joselito Esquivel Jr. ang apat na sina Arnold Camayang, 33, dating Intelligence Agent 1 ng PDEA; Mark Anthony Roque, 36, isang dismissed na Police Officer 1 na dating nakatalaga sa Philippine National Police Crime Laboratory; Alvin Jay Roque, 27, isang aktibong MMDA traffic constable; at Christian John Talaue, 22, binata, walang trabaho. Lahat ng mga suspek ay tubong lalawigan ng Cagayan sa Hilagang Luzon.

Ayon kay Esquivel, nitong nakalipas na May 25, dakong 2:15 ng hapon ay hinarang ng mga armadong suspek, dalawa rito ay nakilalang si Camayang at Roque, ang sasakyan na Toyota Commuter van ni Wu Yaochui, isang Chinese national, sa kahabaan ng Congressional Avenue, QC.

Pinosasan ng mga suspek ang biktima at ang kasama nito sa sasakyan na katulong sa bahay, at matapos ay hiningian ng PhP3 milyon bilang ransom.

Tumawad ang biktima hanggang sa magksasundo sila sa halagang PhP300,000 na ransom. Pagkatapos magkasundo ay nakiusap ang biktima na umuwi sila sa kanyang bahay sa Congressional Village, Project 8, QC upang makuha at maibigay sa mga carnapper/kidnapper ang ransom money, dagdag pa ni Esquivel.

Sinabi pa ni Esquivel na hindi pa nasiyahan sa salapi, kinuha din ng mga suspek ang dalawa pang sasakyan ng biktima na Toyota Fortuner at Toyota Commuter van.

Agad na inireport ng biktima ang insidente sa QCPD Police Station 3 (Talipapa) makaalis ang mga suspek sa kanyang tahanan para sa kaukulang imbestigasyon. Kinalaunan ay humingi ng ayuda ang Station 3 sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at Anti Carnapping Unit (ACU) ng QCPD para sa mga follow up operations.

Sa huli ay nadakip din ng mga taga CIDU at ACU ang mga suspek at nabawi ang mga ninakaw na sasakyan mula sa biktima. Kakasuhan ng carnapping at kidnapping ang mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa Punong Tanggapan ng QCPD sa Camp Karingal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.