Dalawang umano ay pusakal na holdaper todas sa mga pulis QC

Ni Santiago Celario

Image © hatawtabloid.com

NAPATAY ng pulisya nitong Miyerkoles ng gabi sa isang nagpuputukang habulan ang dalawang pusakal na holdaper, ilang sandali matapos daw nilang limasin ang personal na ari-arian ng mga kumakain sa isang restaurant sa Quezon City.

Ayon sa isang pahayag ng Quezon City Police District, hindi pa kilala ang mga napatay dahil walang nakuhang mapagkikilanlan sa mga ito.

Gayun man ay isinalarawan ng mga awtoridad ang mga napatay at sinabing ang isa sa mga ito ay nasa pagitan ng 35 hanggang 40 anyos, mga 5’7 ang taas, katamtaman ang pangangatawan, naka suot ng itim na bonnet at ball cap; samantalang ang isa naman ay tinatayang mula 25 hanggang 30 anyos, mga 5’1 ang taas, katamtaman din ang pangangatawan, kayumanggi at nakasuot ng t-shirt, maong na pantalon at gray na bonnet.

Ayon kay Superintendent Ariel Capocao, hepe ng QCPD Station 10 (Kamuning), naganap ang habulan at barilan dakong 8:25 ng gabi sa kahabaan ng Roces Avenue papuntang Tomas Morato Avenue, Barangay Paligsahan, malapit sa Gate 1 ng Amoranto Stadium matapos paputukan ng mga nasawi ang mga humahabol na pulis na nakasabat sa kanila.

Sinabi pa ni Capocao na ilang sandali bago napatay ang mga holdaper ay ninakawan ng mga ito ang mga kumakain sa isang restaurant sa kahabaan ng Scout Tobias, Barangay Laging Handa na malapit lamang sa lugar na pinangyarihan ng nagpuputukang habulan.

Idinagdag pa ni Capocao na habang tinututukan ng baril ay pinagkukuha ng dalawa ang mga pera at cellular phone ng mga parokyano ng nasabing restaurant.

Matapos makuha ang kanilang pakay ay mabilis na tumakas ang dalawa sakay nang isang walang rehistrong motrosiko na Suzuki Smash ang tatak.

Kasabay nito ay itinawag naman ng mga biktima ang pangyayari sa QCPD Station 10 at nagkataon na may checkpoint sa kalapit na Roces Avenue ang mga miyembro ng QCPD Station 10 Tactical Motorcycle Riders na siyang nakais-spot sa dalawa habang sakay ng humaharurot na motorsiklo, ayon sa hepe ng QCPD Station 10.

Imbes na sumuko ay nakipagbarilan ang mga holdaper sa mga humahabol na awtoridad dahilan para sila ay gantihan ng putok, paliwanag ni Capocao.

Narekober mula sa mga suspek ang dalawang .38 kalibreng baril, limang bala, mga basyo ng bala, cellphone at pera na pinaniniwalaang mula sa mga ninakawan nila.

Sa kasalukuyan ay inaalam pa ng awtoridad kung ang mga nasawi ay responsable rin sa dalawang holdapan na naganap nitong nakalipas na Hunyo 1, – sa kanto ng F. Manalo at Judge Jimenez sa Brgy. Paligsahan at sa isang Japanese restaurant na nasa kahabaan din ng Scout Tobias.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.