Pagpatay sa Special Prosecutor ng Ombudsman lutas na

Ni Santiago Celario

Ang suspek sa pagpatay kay Atty. Madonna Tanyag. Imahen © Scoopnest.com

DAHIL sa mabilis na pagkilos ay nadakip ng mga awtoridad nitong Lunes ng hapon ang sinasabing nasa likod ng walang awang pananaksak at pagpatay sa isang Assistant Special Prosecutor ng Office of the Ombudsman, ilang oras matapos maganap ang krimen sa Quezon City.

Kinilala ang suspek na si Angelito Avenido Jr, alias Moymoy, 31, isang jeepney barker at residente ng Desire Compound, Barangay Culiat, QC. Siya ay nadakip dakong 5:45 ng hapon sa isang follow-up operation ng magkasanib na puwersa ng Quezon City Police District Police Station 2 (Masambong) at QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa Palaytan Dulo, Culiat.

Nabawi mula kay Avenido ang dalawang identification cards ng biktima ng krimen na si Atty. Madonna Joy I. Ednaco-Tanyag, mga barya, siyam na piraso ng PhP1,000 at isang OPPO mobile phone.

Ayon kay QCPD Director Police Chief Superintendent Joselito T Esquivel Jr. natuntun ang suspek hindi kalayuan mula sa pinangyarihan ng pananaksak matapos siyang makunan nang isang Close Circuit Television habang papatakas matapos ang krimen.
Bukod dito, dagdag pa ni Esquivel, itinuro rin si Avenido sa mga rumerespondeng pulis ng isang Rogelio Dairo na nagsabing umamin sa kanya ang suspek na siyang nasa likod ng pagkamatay ni Atty. Tanyag.

Magugunitang sinaksak at napatay ang biktima dakong 11:20 ng umaga sa harap nang isang Lotto outlet sa No. 51 Visayas Avenue, Brgy. Vasra, QC. Isinugod ang biktima sa East Avenue Medical Center subalit idineklara itong dead-on-arrival dakong alas 12:04 ng tanghali.

Agad na kumilos ang pulisya kasabay ng pagtatayo nito ng walo kataong Special Investigation Task Group SITG Tanyag, na pinamumunuan ni QCPD Deputy District Director for Operation Senior Supt. Ronaldo Genaro Ylagan, na nauwi sa maagang pagkakadakip sa suspek.

Sasampahan ng kasong robbery with homicide ang suspek na nakakulong ngayon sa QCPD Headquarters sa Camp Karingal. Gayun man ay patuloy pa rin na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pangyayari.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.