Opinions

Isapubliko*

HINIHIMOK ng ilang eksperto na isapubliko ng Pilipinas ang diplomatic protests nito laban sa mga pinaggagawa ng China sa West Philippine Sea dahil hindi umano sapat ang papa-file ng Maynila ng note verbale laban sa Beijing.

Naulat na tinukoy raw ni Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI) director Gregory Poling na ang tanging paraan para makumbinsi ang China na ituring ang ating claims nang naaayon sa international law at tratuhin nang patas sa mga kalapit nating bansa ay ang gamitan sila ng international pressure, maging diplomatic man o economic, upang makumbinsi sila na may kailangang pagbayaran ang kanilang ginagawa.

Hindi raw makatutulong ang tahimik na pagbibigay ng notes sa Beijing at pagtanggi na kilalanin ang kanilang pangha-harass. Sa nakalipas na dalawang taon ay nadagdagan ang militarisasyon ng China, pangha-harass sa tropang Pilipino, economic activities sa ating karagatan, mga pangako ng pamumuhunan na hindi pa nagkakatotoo, pag-uusap ukol sa code of conduct at pagsasanib tungo sa kaunlaran na mukhang wala umanong pupuntahan.

Ayon sa ulat, kabilang umano sa note verbale ng Pilipinas laban sa China ang mga insidenteng naganap sa West Philippine Sea tulad ng instalasyon ng mga missile sa Spratlys at pangha-harass ng mga helicopter ng navy ng China sa rubber boat ng Philippine Navy habang nagdadala ito ng supplies sa ating mga sundalo sa Ayungin Shoal nitong nakalipas na Mayo 11.

Nagpahayag ang security expert na si Rommel Banlaoi na makabubuti kung isasapubliko ng Pilipinas ang diplomatic protests na sa tingin nito ay makapagpapakalma sa pagdududa ng mamamayang Pilipino.

Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano, ang negatibong verbal comment ay maituturing daw na diplomatic protest. Pero ang puna ni Magdalo Representative Gary Alejano, kung sa palagay raw ni Cayetano ay maituturing na diplomatic protests ang simpleng nabanggit na salita ay ano ang ipinagkaiba nito sa isinulat sa tubig? Tinukoy ni Alejano na ang diplomatic protest ay dapat nakasulat o nasa written form. Magsisilbi raw itong rekord sa kasaysayan kung paano tayo tumugon sa mga paglabag na ginawa sa atin ng ibang bansa.

Nang makipagpulong si President Duterte kina Secretary Cayetano at Philippine Ambassador to China Chito Santa Romana ay binanggit ng Pangulo na concerned daw siya sa kaligtasan ng mga kawal na Pilipino kaugnay ng pangha-harass ng China sa rubber boat ng Philippine Navy.

Gayunman ay wala ring nabago. Nananatili pa ring nakatali ang kamay ng Pangulo para umiwas na makadigmaan ang China. May mga nagtatanong tuloy kung may hawak ba ang China laban kay Duterte?

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

Robert Roque Jr.
Robert B. Roque Jr. is a veteran journalist who started out as a correspondent for Manila Bulletin's tabloid TEMPO in 1983. In 1989, At age 27, he rose to become the youngest associate editor of a newspaper of national circulation. In mid-2000, he took the helm of the paper as its editor until his voluntary retirement in 2012. He currently writes a syndicated column for TEMPO, Remate, and Hataw newspapers, and for this site, Beyond Deadlines. A former journalism lecturer at the Faculty of Arts and Letters of the University of Santo Tomas from 1992 to 2002, Roque is also an active member of the Lions Clubs International, the largest service club organization in the world, having served as head of the Philippine Lions (council chairperson) in Lion Year 2011-2012.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.