Drug suspek nakatakas mula sa istasyon ng pulisya sa QC

Ni Santiago Celario

QCPD Station 10. Image © Philippines123.com

NAKATAKAS nitong Huwebes ng gabi ang isang detainee sa loob mismo ng Quezon City Police Department Station 10 (EDSA-Kamuning).

Kinilala ng pulisya ang nakatakas na si Julius Alcantara, 25 anyos, binata, estudyante at residente ng No. 35 Hillcrest St., Brgy. Immaculate Concepcion, Quezon City. Siya ay kabilang sa isang tatlo katao na grupo na nahuli sa QC ng mga awtoridad dahil umano sa bawal na gamot.

Ayon sa hepe ng QCPD Station 10 na si Superintendent Ariel Capocao, naisahan ni Alcantara ang kanyang mga bantay dakong 11:30 ng gabi sa loob mismo ng Crime Laboratory Office (CLO) na nasa ikalawang palapag ng QCPD Station 10.

Sinabi ni Capocao na dinala ng mga arresting officer na sina PO3 Rufino Caranto at PO1 Jimbeam Fernandez si Alcantara at dalawa pang drug suspek sa CLO upang sumailalim ang mga ito sa medikal na pagsusulit. Subalit ilang sandali lang ang nakalipas ay humingi ng permiso si Alcantara sa kanyang mga bantay para magamit ang comfort room o palikuran.

Pinayagan umano ng mga bantay si Alcantara na siya namang sinamantala nito para makatakas sa pamamagitan nang palihim na pagbaba sa hagdanan at mabilis paglabas sa compound ng istasyon. Hanggang sa kasalukuyan ay pinaghahanap pa rin si Alcantara.

Sinabi ni Capocao na lumalabas na walang security awareness ang mga police escorts sa suspek. Idinagdag pa niya na sasailalim ang mga bantay sa imbestigasyon upang matiyak kung talagang may kapabayaan sa tungkulin na nangyari.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.