Impeachment at Quo Warranto, isang paliwanag (Unang bahagi)*

LUBHANG maraming naguluhan kamakailan sa desisyon ng mayorya sa mga mahistrado ng Korte Suprema na sibakin ang kanilang Chief Justice na si Maria PA Lourdes Sereno sa pamamagitan sa pagkatig sa isang Quo Warranto petition na isinampa ng Solicitor General na si Jose Calida.

Dangan kasi ayon sa Article 11, Section 2 ng 1987 Constitution… The President, the Vice-President, the Members of the Supreme Court, the Members of the Constitutional Commissions, and the Ombudsman may be removed from office on impeachment for, and conviction of, culpable violation of the Constitution, treason, bribery, graft and corruption, other high crimes, or betrayal of public trust. All other public officers and employees may be removed from office as provided by law, but not by impeachment.”

Bago natin talakayin ang probisyon na ito ay lilinawin muna natin kung ano ang ibig sabihin ng “impeachment.”

Ang impeachment ay isang proseso ng batas kung saan ang Pangulo ng Republika, ang Ikalawang Pangulo nito, ang mga mahistrado o hukom ng Korte Suprema, mga komisyoner ng Civil Service Commission (CSC), Commission on Elections (COMELEC), Commission on Audit (CoA), at ang Ombudsman ay idinedemanda ng isang mamamayan ng bansa sa House of Representatives, kung ang alin man sa kanila ay pinaniniwalaang nakagawa ng tinatawag na culpable violation of the Constitution, treason, bribery, graft and corruption, other high crimes, or betrayal of public trust.

Matapos isampa ang impeachment ay sisiyasatin ng mga miyembro ng House of Representatives kung may batayan ang nasabing demanda. Ang mga mambabatas mula sa kapulungang ito ng Kongreso ang tatayong taga-usig o “prosecutor” ng kaso. Magkakaroon ng tinatawag na impeachment hearing kung saan ipatatawag ang nagdemanda, ang idinemanda, ang mga testigo at ipalalabas ang mga ebidensya na may kaugnayan sa kasong isinampa.

Maaring ibasura ng House of Representatives ang kaso kung wala silang makikitang sapat na ebidensya. Pero maari rin na iakyat nila ito sa Senado kung may makita silang dahilan o sakaling gustuhin lamang nila na usigin ang iniimpeach na pinuno. Didinggin sa Senado ang kaso at tatayong huwes o judges ang mga Senador at sila ang huhusga kung tatanggalin sa poder o hindi ang iniimpeach na opisyal.

Dapat nating maunawaan na ang impeachment ay isang prosesong politikal at hindi hudikatura kaya nasa “prerogative” o layaw lamang ng mga “prosecutor” kung isasampa ang kaso sa Senado o hindi. Sa totoo lang hindi nila kailangan ng mabigat na ebidensya para usigin ang iniimpeach, sapat na ang may magsampa lamang ng kaso sa House of Representatives laban sa sino man na gusto nilang iimpeach.

Ganun din ang siste para sa mga Senador. Dahil nga prosesong politikal ang impeachment ay hindi nila kailangan ng mabigat na ebidensya para tanggalin sa poder ang na impeach na pinunong bayan. Ang totoo niyan ay maaring konsiyensia o di kaya ay politikal na interes ang kanilang gamiting gabay sa pagdedesisyon, hindi ang bigat o gaan ng ebidensya.

(Basahin Pa: http://beyonddeadlines.com/2018/05/30/impeachment-at-quo-warranto-isang-paliwanag-unang-bahagi/)

(May kasunod sa Biyernes)

* * *

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po. Pasyalan nyo rin ang pahayagang Hataw sa hatawtabloid.com kung saan lumalabas din ang Usaping Bayan tuwing Miyerkoles at Biyernes.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.