Mabilis na aksyon ng pulisya nauwi sa kamatayan ng umano ay holdaper

Ni Santiago Celario

Image © GMA Network

NAUWI sa kamatayan nang isang pinaghihinalaang holdaper ang mabilis na aksyon ng pulisya laban sa kriminalidad sa Quezon City nitong nagdaang madaling araw ng Lunes.

Inilarawan ng pulisya ang napatay sa pagsasabing ito ay tinatayang nasa 25 hanggang 30 taong gulang, 5’4” ang taas, nakasuot ng itim na long sleeved shirt at pantalong maong. Sinabi pa ng mga awtoridad na hindi sinasadyang napatay ang suspek matapos itong manlaban.

Ayon sa rekord ng QC Police Department (QCPD), naganap ang nasabing insidente dakong 2:12 ng madaling araw sa kahabaan ng Sta. Catalina Street, Barangay Siena matapos masabat ng mga operatiba ng QCPD-Station 1 (La Loma) ang dalawang indibidwal na nakasakay sa isang motorsiklo.

Ayon sa mga pulis, tinangka nila umanong parahin ang mga sakay ng motorsiklo subalit imbes na sumunod ay pinaputukan sila ng mga ito, dahilan para gumanti sila ng putok at tamaan ang nakaangkas sa motor. Nakatakas ang nagmamaneho ng motorsiklo at kasalukuyan itong pinaghahanap sa ngayon.

Sinabi pa ng pulisya na tumugma ang itsura ng nasawi sa pagsasalarawang ibinigay ng dalawang biktima nang isang kagaganap lamang na holdapan sa kanto ng Banawe at Retiro Streets. Idinagdag pa nila na ang pagkakasabat sa holdaper ay bunga ng follow-up operation kaugnay sa holdapan na naganap.

Sinabi ng mga naholdap na sila ay nag-aantay ng masasakyan pauwi ng tabihan ng dalawang lalaki na nakasakay sa isang motorsiklo. Tinutukan sila ng baril at nagdeklara nang holdap ang mga ito at mabilis na kinuha ang kanilang mga personal na ari-arian bago tumalilis.

Matapos ang holdapan ay nagtungo sa istasyon ng pulisya ang mga biktima at doon ay nagbigay ng kaukulang pahayag.

.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.