Kumpirmasyon ng CA sa appointment ng DAR secretary tinutulan ng mga kawani

Ni Santiago Celario

John Castriociones. Image © rappler.com

MARIING tinutulan ng unyon ng mga kawani ng Kagawaran ng Repormang Pangsakahan o Department of Agrarian Reform ang kumpirmasyon sa Commission on Appointments ni Atty. John Castriciones bilang kalihim ng kanilang kagawaran.

Ito ang napagalaman ng mga mamamahayag sa isang pulong balitaan nitong Sabado kung saan sinabi ni Antonia Pascual, pangulo ng Department of Agrarian Reform Employees Association (DAREA), na bukod sa walang kakayanan si Castriciones para gampanan ang pagiging kalihim ng DAR ay wala itong turing sa mga maliliit na kagawad ng kagawaran.

Ipinaliwanag ni Pascual na walang ginagawa si Castriciones kundi atakihin o harasin ang mga miyembro ng DAREA sa pagtatangka nito na buwagin ang kanilang samahan dahil sa pagtutol nito sa kanyang maling mga patakaran. Malinaw, aniya, na ito ay isang uri ng unfair labor practice.

Idinagdag ni Pascual na nagsimula ang kanilang gusot matapos magsagawa ng rally ang mga kawani ng DAREA nitong nakalipas na buwan hinggil sa aksyon ni Castriciones kaugnay sa promotional appointments ng rank and file ng mga kawani ng DAR.

Matapos ang kanilang aksyon ay nagsimula si Castriciones na harasin at takutin ang mga lider miyembro ng DAREA, bintang ni Pascual.

Ipinagutos umano ni Castriciones sa mga guwardia ng DAR sa mga security guard na wag papasukin ang mga miyembro ng DAREA at staff sa compound, lalo na sa gusali ng kagawaran.

“Hindi n’ya dapat ginagamit ang kanyang posisyon bilang kalihim para i-harass at takutin ang mga empleyado ng DAR” diin ni Pascual.

Bunsod nito ay ipinaabot ng DAREA sa makapangyarihang CA ang kanilang pagtututol sa kumpirmasyon ni Castriciones.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.