Hindi na dapat maulit*

ANG kahihiyan na inabot natin sa Kuwait ay hindi na dapat maulit. Dapat na nating itigil ang pagluluwas ng lakas paggawa sa mundo. Humanap na tayo ng ibang paraan kung paano mapatatakbo ang ekonomiya ng bansa na hindi umaasa sa remittances ng mga Overseas Filipino Workers.

Dapat nang seryosohin ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga mabibigat at magagaan na industriya, at ang pagpapasigla ng ating agrikultura. Ang layunin ng sistema ng edukasyon ay dapat din baguhin mula sa pagiging producer ng mga alila ng mundo, glorified man o hindi, tungo sa pagiging producer ng mga magiging kapitan ng industriya at agrikultura.

Kung paano maging lider sa kontekstong Pilipino at hindi kung paano maging masunuring utusan ng mga banyaga ang dapat bigyan ng diin sa ating mga paaralan. Leadership training course, hindi service orientation ang dapat ibinibigay sa mga mag-aaral upang matuto tayong mamuno at matigil na ang kasanayan natin na maging utusan lamang.

Kailangang mabuo sa ating loob ang tiwala sa sariling kakayahan at kaalaman. Dapat tayong matutong umamin ng kahinaan kung kailangan at umangkin ng lakas kapag hiningi ng panahon at pagkakataon.

Ilan lamang ito sa mga hakbang na puwede nating gawin bilang isang lipi upang matanghal sa mundo kung sino talaga tayong mga Pilipino.

* * *

Habang isinusulat ang kolum na ito ay hindi alam ng Usaping Bayan kung ano ang naging pasya ng Supreme Court sa quo warranto petition na isinampa ni Solicitor General Jose Calida laban sa naka-leave na punong mahistrado ng Mataas na Hukuman na si Maria Lourdes Sereno.

Harinawa ay pagmamahal sa bayan, pagsunod sa itinatakda ng batas at hindi personal na damdamin ang maging batayan ng mga mahistrado sa kanilang gagawing pagpapasya. Nakasalalay sa inyong magiging desisyon ang maraming bagay na usaping legal, kundi man ang estado ng ating pamahalaan sa hinaharap. (Read More: http://beyonddeadlines.com/2018/05/09/hindi-nila-mapalagpas-ang-pagkakataon/)

* * *

Sa mga umaasa na magbibitiw si Alan Peter Cayetano mula sa kanyang puwesto sa Department of Foreign Affairs dahil sa kanyang kapalpakan na nagbunga ng pagkasira ng ating relasyon sa Kuwait ay umasa pa kayo.

Masyadong malaki ang tayang politikal ni Cayetano para ito magbitiw. Hindi rin siya mapagbibitiw ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil mahirap makakita ng isang tulad ni Cayetano na halos parehong-pareho niya kung mag-isip.

Sige pa…asa pa more….

* * *

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po.

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.