Starlet nalambat sa anti-illegal drugs operation sa QC

Ni Santiago Celario

Image © Good News Network Philippines

UMABOT sa 260 na pinaghihinalaang sugapa sa bawal na gamot ang nadakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District sa loob ng dalawang linggo nitong kampanya para masawata ang salot na droga sa lungsod.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director Police Chief Superintendent Joselito T Esquivel Jr., dinakip mula sa iba’t ibang lugar ng QC ng mga miyembro ng QCPD-District Anti-Drug Enforcement Unit (DEU) ang mga drug dependent batay sa kanyang kautusan na ipinalabas noong huling linggo ng Abril.

Umabot sa 68.8 na gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu at 88.2 na gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nakumpiska mula sa mga nasakote, dagdag pa ni Esquivel.

Lumabas sa rekord ng pulisya na 174 sa mga dinakip ay nahuli habang gumagamit ng droga samantalang ang nalalabing bilang ay huli naman sa akto na nagbebenta nito.

Kabilang sa mga nahuli ay ang starlet na si Katrina Santos na miyembro umano ng Baywalk Bodies. Siya ay nadakip sa kahabaan ng Tagaytay Street, malapit sa kanto ng A. Bonifacio Avenue sa Brgy. San Jose, La Loma, QC.

Nahaharap ngayon ang mga nalambat sa kasong paglabag sa R.A. 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *