Hindi nila mapalagpas ang pagkakataon?*

MALAKAS ang bulong-bulungan na buo na ang pasya ng Korte Suprema na katigan ang quo warranto petition na isinampa kamakailan ni Solicitor General Jose Calida laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Kung magkakagayon, ay mangangahulugan na masisibak sa puwesto si Sereno sa pamamagitan lamang ng isang quo warranto petition, isang pamamaraan nang mabilis pagaalis sa puwesto nang isang nasa poder.

Sabi ng mga eksperto, hindi kabilang ang quo warranto sa mga paraan na inilatag ng Saligang Batas upang matanggal sa posisyon ang isang Chief Justice tulad ni Sereno. Tanging sa pamamagitan lamang ng impeachment maaring matanggal sa poder ang pinuno ng Korte Suprema.

Hindi na po natin tatalakayin ang legalidad ng quo warranto bilang paraan ng pagtatanggal kay Sereno sa puwesto. Marami na po ang gumagawa noon. Ibig lang pansinin ng Usaping Bayan na karamihan sa mga mahistrado na ibig mapatalsik si Sereno ay iyung mga sumama ang loob matapos tanggapin ni Sereno ang pagluluklok sa kanya sa poder ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III.

Matatandaang si Sereno ang pinaka-junior sa listahan ng mga inirekomenda para palitan ang noon ay katatanggal lamang sa puwestong Chief Justice na si Renato Corona. Ngunit hindi iyon naging hadlang upang siya ang ipalit kay Corona, na natanggal dahil sa kontrobersya na may kaugnayan sa Statement of Assets, Liabilities and Net worth o SALN.

Napaka-ironic na ang petisyon para sa quo warranto ni Calida laban kay Sereno ay nakabatay sa mga usapin na may kaugnayan din sa SALN.

Dinibdib ng mga mahistrado na nilagpasan ni Sereno ang pagkakaupo niya sa puwesto kaya mukhang hindi nila mapalagpas ang pagkakataon na inihain ni Calida sa kanila.

* * *

Kung masisibak mula sa puwesto si Sereno dahil lamang sa isang quo warranto petition ay wala ng mataas na pinunong bayan ang magiging secure sa poder.

Lahat ng opisyal na maaring matanggal sa pamamagitan lamang ng impeachment, tulad ng Chief Justice, mga Associate Justice ng Korte Suprema, Pangulo, Ikalawang Pangulo, Ombudsman, mga pinuno ng Commission on Audit, Commission on Elections at Civil Service Commission ay maari na ring masibak sa pamamagitan ng isang simpleng quo warranto petition.

Hayaan ninyong gunitain ng Usaping Bayan ang namayapang si Ate Inday Badiday sa pagsasabi sa mga mahistrado bago sila magdesisyun sa quo warranto ni Calida na “careful, careful.”

* * *

Pasyalan ninyo ang Beyond Deadlines sa www.beyonddeadlines.com para sa mga balita sa ating nagbabagang panahon. Sana ay makaugalian ninyo na bisitahin lagi ang website ng Beyond Deadlines. Salamat po.

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

2 Comments

  1. Pingback: Hindi na dapat maulit | HATAW! D'yaryo ng Bayan

  2. Pingback: Hindi na dapat maulit – CosmoNews

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *