Kinidnap?*

MARAMI ang nagulat sa balita na inakusahan ng Kuwait ang mga opisyal ng ating embahada ng pangingidnap sa sarili nating mga kababayan na kanilang iniligtas umano sa nakitang emergency na kanilang kinasangkutan.

Nilinaw ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano na wala raw krimen sa pagsasalba sa ilang problemadong Overseas Filipino Worker (OFW) na nauwi sa pagpapatalsik kay Philippine Ambassador Renato Villa na idineklarang “persona non grata” at pag-isyu ng arrest warrant sa ilang empleyado ng embahada.

Ang ugat ng problema ay hindi nagustuhan ng Kuwait ang video na inilabas sa publiko sa naganap na rescue operations. Inakusahan ng Kuwait ang mga opisyal ng embahada na lumabag daw sa Vienna Convention for Diplomatic Relations kaya naglabas sila ng arrest warrant sa ilang embassy personnel.

Pero tahasan itong itinanggi ni Cayetano na nagpahayag na wala umanong krimen na naganap. Ipinaliwanag ni Cayetano na hindi raw tumutugon ang embahada sa mga request mula sa mga problemadong Pilipino nang walang koordinasyon sa gobyerno ng Kuwait.

Kaya nga raw ang 35 sa 38 na iniligtas ay coordinated at ang tatlo ay pinaniniwalaan nilang kailangang aksyunan agad-agad. Tungkulin daw nila ito na hindi puwedeng pabayaan sa ilalim ng international law.

Pero nagdulot daw ito ng komosyon para sa Kuwait kaya nasabi niyang humihingi siya ng paumanhin sa kanilang nagawa kung sa palagay nila ay nalabag ang kanilang sovereignty pero tinitiyak niya na nangyari lang ito para protektahan ang mga kababayang Pilipino.

Ayon kay Cayetano ay nag-isyu ng arrest warrants laban sa personnel ng embahada para sa kidnapping pero nasasakop daw ang ating mga kababayan ng diplomatic immunity. At kahit na hindi raw sila napailalim ng naturang immunity ay walang naganap na krimen. Kailangan lang daw nila itong suriin, imbestigahan ng Kuwait upang mapalapit sa pagkakaunawaan nila ng isa’t isa.

Bunga raw ng iringan ay umasim ang relasyon ng dalawang bansa. Akalain ninyong humantong ito sa biglaang pagpapauwi ng Kuwait Foreign Ministry sa kanilang ambassador na nakatalaga sa Pilipinas.

Dahil sa nagkakainitan ang Pilipinas at Kuwait ay patuloy na hinihimok ni President Duterte ang mga OFW na bumalik sa ating bansa. Sa katunayan ay libu-libong Pilipino na ang tumugon at umuwi sa Pilipinas.

Para kay Senator Risa Hontiveros ay isinusugal ni Duterte ang buhay at trabaho ng OFWs sa pagpapauwi sa kanila. Hindi raw ito laro dahil buhay at kinabukasan ng OFWs at kanilang mahal sa buhay ang sangkot. Kaya bang bigyan ng gobyerno ng trabaho ang lahat ng OFW na uuwi sa bansa?

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat. Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *