News

Tatlong pinaghihinalaang “killer for hire” todas sa QC

Ni Santiago Celario

Bullet. photo © http://www.philstar.com

NAPATAY ng pinagsanib na mga puwersa ng Quezon City Police Department, Special Traffic Action Group, Highway Patrol Group-Task Force Limbas ang tatlong pinaghihinalaang upahang mamamatay tao sa isang naghahabulang engkuwentro sa Lungsod Quezon nitong Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon sa ulat ng pulisya, hindi pa nakikilala ang mga napatay dahil sa kanilang kawalan ng mapagkikilanlan tulad halimbawa ng identification card. Nakuha mula sa mga napatay ang isang kargadong .45 caliber Colt pistol na may Serial No. (SN) 257491, isang kargadong kalibre .38 revolver, isang kargadong .45 caliber Remington pistol na burado ang SN, isang cellular phone, isang kulay itim na Yamaha Fino at isang SYM na motorsiklo na parehong walang plaka.

Walang namatay o nasugatan sa panig ng mga awtoridad sa naturang engkuwentro.

Napag-alaman pa mula sa ulat na nakarating sa QCPD na nakatanggap umano ang HPG ng impormasyon tungkol sa mga napatay. Mayroon daw tatambangan ang mga ito sa lungsod Quezon kaya’t kaagad kumilos ang HPG at humingi ng tulong sa STAG at QCPD, na mabilis namang naglagay ng “chokepoint” sa kahabaan ng Payatas Road malapit sa Violago Homes II, Barangay Payatas.

Dakong alas- 2:00 ng madaling araw ng matanawan ng mga nasa chokepoint ang mga napatay sakay nang dalawang motorsiklo mula sa direksyon ng Munisipyo ng Montalban. Subalit nang makita ng mga suspek ang mga pulis ay mabilis na nag-u-turn ang mga ito pabalik kung saan sila unang namataan.

Agad namang hinabol ng mga operatiba ng QCPD ang mga napatay subalit imbes na tumigil at sumuko ay pinaputukan  ng mga ito ang mga awtoridad, na napilitang namang gumanti ng putok. Matapos ang ilang saglit na habulan at barilan ay bumulagta ang tatlo sa lansangan dahil sa tama ng bala. Agad silang isinugod sa ospital sa pagtatangkang sila ay masagip subalit sila ay binawian pa rin ng buhay.

Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.