News

Confidential ang narcolist pero PDEA handang magpangalan ng mga barangay officials na sangkot sa droga kung iuutos ni Pangulong Duterte

Ni Santiago Celario

(File Photo) DILG Asst. Secretary Jonathan Malaya, PDEA DG Aaron Aquino, PH President Rodrigo Duterte.

WALA umanong awtoridad ang Philippine Drug Enforcement Agency na ibunyag sa publiko ang mga pangalan ng 200 puno at kagawad ng barangay na sangkot sa kalakaran ng bawal na gamot sa bansa.

Ito ang tugon ni PDEA Director General Aaron Aquino kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Assistant Secretary Jonathan Malaya isang araw matapos ipahayag nitong huli na dapat isapubliko ng pangunahing ahensya laban sa bawal na gamot ang listahan na naglalaman ng mga pangalan ng mga opisyal ng barangay na sangkot sa pagbebenta ng illegal na droga.

(Basahin pa: http://beyonddeadlines.com/2018/04/23/pdea-dapat-ilabas-ang-listahan-ng-mga-opisyal-ng-barangay-na-sangkot-sa-kalakaran-ng-droga-sa-bansa-dilg/)

I don’t have the authority to release it… the narcolist is considered as confidential…but if ordered by the President then I will publish it,” sabi ni Aquino sa isang text message sa mga reporter nitong Martes.

Sa kabila ng pagtanggi ng PDEA na isapubliko ang narcolist ay tiniyak naman ni Aquino na walang dapat ipagalala ang publiko dahil ipanagpapatuloy naman ng PDEA, katuwang ang Philippine National police (PNP), ang mga operasyon laban sa mga pinaghihinalaang sangkot sa illegal drugs.

We will continue to conduct negation operation against them…,” diin ni Aquino.

Matatandaan na sinabi ng direktor heneral ng PDEA na aabot sa 287 barangay captain at kawagad ang hinihinalang sangkot sa kalakalan ng illegal drugs sa bansa. (Basahin pa sa: http://beyonddeadlines.com/2018/04/11/mahigit-200-puno-at-kagawad-ng-barangay-sa-buong-bansa-sangkot-sa-kalakaran-ng-bawal-na-gamot-pdea/)

Nauna rito ipinaliwanag ni Malaya sa isang pulong balitaan nitong Lunes na ang posisyon ng DILG kaugnay sa paglalabas ng pangalan ng mga opisyal ng barangay na sangkot sa pangangalakal ng bawal na gamot ay bunsod ng lumalawak na panawagan ng taong bayan.

Ayon sa kanya ay hinihiling ng mga mamamayan sa gobyerno na pangalanan sa lalong madaling panahon ang mga opisyal ng barangay na may kaugnayan sa pagpapakalat ng bawal na gamot upang matalino silang makapagpasya kung sino sa ang dapat iboto sa nalalapit na halalang pambarangay.

Idinagdag pa niya na “dapat ang PDEA ang maglabas ng drug list ng mga barangay official dahil sila ang tamang ahensya na dapat magbigay pahayag kaugnay dito.”

Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.