News

Dating pulis sabit sa election gun ban?

Ni Santiago Celario

QCPD Dir. C/Supt. Gullermo Eleazar Photo © gmanetwork.com

INARESTO ng mga awtoridad ang isang retiradong pulis nitong Lunes ng gabi matapos itong ireklamo ng panunutok ng baril ng isang traffic constable ng Metropolitan Manila Development Authority sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T Eleazar ang retiradong miyembro ng Philippine National Police si Robertson Cruz Estrella, 63, na may dating ranggo na Police Officer 1 (PO1) at residente ng 53 Siling Bata, Pandi, Bulacan.

Sabi ng mga imbestigador, si Estrella ay nakasakay sa isang UV Express na minamaneho ni Melchor Tanalgo sa kahabaan ng Commowealth Avenue, Brgy. Batasan Hills ng parahin ito nila MMDA Traffic Constable Christopher Bangalisan at Wilson Balceta sa harap ng Commission on Audit (COA) Bldg dahil umano sa paglabag sa batas trapiko.

Ayon sa ulat ng pulisya, imbes na hayaan na lamang ang proseso ay nakialam si Estrella at nakipagtalo ito kina Bangalisan at Balceta. Hindi pa nakuntento, bumunot pa umano ito ng baril at sabay na tinutukan ang mga traffic constables.

Agad naman humingi ng police assistance ang dalawang traffic constables sa kalapit na Batasan Police Station na naging dahilan upang agad na maaresto si Estrella.

Sinabi ni Eleazar na nakumpiska mula kay Estrella ang isang lisensyadong Armscor caliber .45 pistol at 13 bala gayun man ay wala itong maipakitang exemption papers mula sa Commission on Elections para sa kasalukuyang ipinatutupad nitong election gun ban.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) in relation to Omnibus Election Code si Estrella.

Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.