Problemang Boracay*

NAKIKISIMPATYA tayo sa libu-libong nakatakdang mawalan ng trabaho kapag ipinasara ang Boracay sa loob ng anim na buwan simula sa Abril 26.

Kabilang na rito ang mga empleyado ng hotel at restawran. Kasama rin ang mga masahista, bangkero, tindero at diving instructor na mga maralitang nagsisikap kumayod para sa kanilang pamilya. Hindi biru-biro ang bilang na 36,000 na biglang mawawalan ng pinagkakakitaan. Pare-pareho silang may binubuhay na pamilya at mga anak na pinag-aaral. Ang tanong ay saan sila kukuha ng kanilang ikabubuhay?

Ayon umano sa Department of Labor and Employment (DOLE) ay 5,000 trabaho lamang ang kaya nilang mahanap. Pero sa matitirang 31,000 mawawalan ng kabuhayan ay wala silang kasagutan.

Ang Boracay ay nanguna sa “Best Islands in the World”. Ito ay itinuturing na paraiso na nirerespeto at hinahangaan sa buong mundo. Sa katunayan ay kabilang ito sa “best beaches around the world”.

Gayunman ay tinawag itong palikuran ni President Duterte. Ayon kasi sa mga eksperto, ang kapasidad ng pasilidad sa Boracay para magproseso ng dumi na iniwan ng mga tao ay hindi na sapat.

Nagkaisa naman ang ilang ahensya ng gobyerno sa pagpapasara upang linisin umano ang isla. Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA) ay minimal ang magiging impact nito sa ekonomiya. Nagpahayag naman ang Department of Tourism (DOT) na limitado ang magiging epekto nito. Ang Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at DOT ang mga ahensya na nagrekomendang ipasara ang Boracay.

Binalewala nila ang katotohanan na sa nakalipas na 2017 ay lumikha ang Boracay ng 17,737 trabaho na itinuturing na pinakamalaki sa Western Visayas. Hindi rin dapat isantabi ang dalawang milyong turista na bumisita sa isla. Kung turismo naman ng bansa ang pag-uusapan ay sinasabing 20 porsyento ang nagmumula sa Boracay.

Kaya masakit malaman na ngayong Abril 2018 ay 700,000 bookings ang kinansela dahil sa nalalapit na pagsasara. At ayon sa Boracay Chamber of Commerce ay P56 bilyon ang kita na mawawala sa ekonomiya. Bakit hindi ipasara ang isla sa panahon na hindi ito dinadagsa ng turista? Kung lalabas na hindi maaasahan ang turismo sa Boracay ay hindi ba maaapektuhan ang imahe ng Pilipinas sa abroad?

Bakit hindi pinansin ang ibang ahensya na taliwas ang pananaw at nagsabing makabubuti kung gagawing yugto-yugto ang paglilinis sa isla at masyadong maaga para ito ay ipasara? Hindi tuloy maiwasan na magduda ang iba sa pagdedesisyon ng gobyerno ngayong lumalabas na pinarurusahan daw nila ang lahat dahil sa nagawang kapabayaan ng iilan.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

2 Comments

  1. Dionesio Grava says:

    Sang-ayon ako nitong sinasabi: “Bakit hindi pinansin ang ibang ahensya na taliwas ang pananaw at nagsabing makabubuti kung gagawing yugto-yugto ang paglilinis sa isla at masyadong maaga para ito ay ipasara? Hindi tuloy maiwasan na magduda ang iba sa pagdedesisyon ng gobyerno ngayong lumalabas na pinarurusahan daw nila ang lahat dahil sa nagawang kapabayaan ng iilan.”

  2. lina Ramos Cabalfin says:

    bakit nga ba ipasasara sa panahun na ng summer na may maraming turista dumadayo at makakatulong din sa atin mamayanan ng trabho at sa atin economiya. kung ang problema ay kalinisan maraming paraan sa paglilinis , wala bang” say “ang dept of tourism natin dito , na ito ay kilala at tanyag sa buong mund, at kumikita at dagdag sa atin kita sa economiya . ayaw ba natin na maging tanyag ang ating bayan na nakilala at makilala sa buong mundo umabot ang pangalan na boracay na ng bigay katanyagan sa buong mundo , ng ating bayang pilipinas. di ba maging karangalang narin nating pilipino ito sa ating bayang pilipinas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.