Walang biruan, mayroon ba o walang itatayong Casino sa Boracay?

Ni Nelson Flores, Ll.B., MSCK

Image © https://www.facebook.com/officialjoperez

NANAWAGAN kay Pangulong Rodrigo Duterte ang Filipino Alliance for Transparency and Empowerment na linawin sa bayan kung totoo nga na may casino na pag-aari ng mga Tsino na itatayo sa Boracay, “ang pinakasikat na tourist destination ng bansa.”

Bagamat pinuri ng nasabing grupo ang kilos ni Duterte na maibalik ang ganda ng Boracay, sinabi ng FATE sa isang e-mail na ipinadala sa Beyond Deadlines na alang-alang sa ‘transparency” o pagiging lantad ay dapat magbigay liwanag si Duterte kaugnay sa isyu ng sinasabing planong pagtatayo ng casino sa Boracay, kahit na nagpahayag na siya ng pagtutol sa pagkakaroon ng pasugalan sa nasabing isla.

Idiniin ng FATE na kilala kasi si Duterte sa pagbabago-bago ng mga pahayag sa pamamagitan ng pagsasabi na biro lamang.

Ayon sa FATE, inaprubahan na raw noong Marso 21 ng Philippine Gaming Corporation (PAGCOR) ang isang “provisional gaming license” para sa Boracay Philippines Resort and Leisure Corporation (BPRLC), ilang araw bago ipinahayag ni Pangulo ang pagsasara sa mga turista ng Boracay sa Abril 26 dahil umano sa gagawing rehabilitasyon ng isla.

Ang BPLRC, dagdag pa ng FATE, ay isang “joint venture” raw ng Chinese casino operator Galaxy Entertainment Group at Leisure & Resorts World Corporation.

Sinabi pa ng grupo na noong ika-3 ng Agosto nang mag-apply ng lisensya ang AB Leisure Global Inc., (isang subsidiary corporation ng Leisure & Resorts World), para makapag-operate nang isang world class casino sa Boracay. Kasama ng Letter of Intent na isinumite sa PAGCOR ng nasabing korporasyon ay ang “Certificate of No Objection” mula sa lokal na pamahalaan ng Aklan.

Dito lumutang ang hinala na may ibang intensyon ang pamahalaan sa pagsasara ng isla at nabahiran ang dapat sana ay magandang hangarin nito na ibalik sa dating kaaya-ayang estado ng Boracay na nasobrahan na sa komersyalismo.

Tunay na walang magagawa ang mamamayan kung nais talaga na maglagay ng ‘casino’ sa isla ng Boracay, ngunit dapat maging tapat ang gobyerno sa isyung ito dahil ngayon, ang Boracay ay mukha na ng Pilipinas sa mata ng mga dayuhang turista.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *