Minarkahan ng trahedya ang isang swimming party sa QC

Ni Santiago Celario

NAUWI sa trahedya ang masaya sanang pagtatampisaw ng pitong magkakaibigan makaraang makuryente’t masawi ang isa nilang kasamahan habang naliligo sa isang swimming pool sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ng hepe ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) na si P/ Supt. Rodelio B. Marcelo ang biktima bilang si Joseph Manuzon Rivera, 17, at residente ng Babuyan Alley, No. 13 F. Gen. Avenue, Brgy, Bahay Toro, QC.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10:25 ng gabi sa swimming pool ng Magnolia Place na matatagpuan sa kahabaan ng Tandang Sora Ave. sa Brgy. Talipapa habang nagkakatuwaan ang mga magkakaibigan.

Batay sa pahayag ni Jan Jedson Umali, isa sa mga kasama ng biktima, umahon na umano siya kasunod si Rivera subalit nadulas ito sa hagdanan ng pool at napahawak sa mga nakakabit na ilaw sa isang kalapit na hardin.

Dahil dito ay bigla na lamang kumislap ang mga ilaw at nakita na lamang niyang nangingisay ang kaibigan.

Ayon sa ilang testigo, tatangkain sana na hilahin ang biktima mula sa pool ng kanyang mga kaibigan subalit may sumigaw na baka sila ay makuryente rin kaya humingi na lamang ang mga ito ng saklolo sa pool attendant na agad namang inalis ang pagkakasaksak ng mga ilaw sa outlet ng kuryente.

Agad na iniahon ang biktima at isinugod sa RLCT Mother and Child Hospital subalit binawian din ito nang buhay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.