Jueteng may basbas?*

MARAMI ang naghihinala na baka may basbas at sadyang kinukunsinti umano ng mga awtoridad ang jueteng operations sa area ng Southern Police District (SPD).

Ayon sa ating source ay bago na ang jueteng lord na humahawak sa lugar ng SPD at ito ay walang iba kundi ang isang alyas “Jun Viloria.” Pinayagan na raw ito na mag-operate ng ilang corrupt na pulis na nakadikit sa tanggapan ng direktor ng SPD.

Pati ang suporta ng mga dating kabo at personnel ng dating nagpapatakbo ng jueteng sa teritoryo ng SPD ay nakuha raw ni Viloria matapos niyang mahuli ang kiliti ng mga ito nang taasan nang 40 porsyento ang kanilang kita. Dahil dito ay hindi na kataka-taka na naglipatan sila sa panig ni Viloria.

Hindi lang natin alam kung anong “salamangka” ang ginawa ni Viloria kung nakuha nga niya ang basbas ng mga tiwaling pulis. Akalain ninyong pati raw ang mga chief of police at kapitan ng barangay sa mga lugar ng kanyang jueteng operations ay ipinagmamalaki ni Viloria na nakuha na niya. Bukod diyan ay wala na rin daw problema sa mga alkalde na nakasasakop sa lugar dahil “inayos” na niya ang mga ito.

Hindi pa natin iisa-isahin ang pangalan ng mga alkalde at chief of police na ito na nakapuwesto sa southern part ng Metro Manila upang hindi naman sila malagay sa kahihiyan at maging sentro ng usap-usapan. Alam naman ng lahat kung sinu-sino ang tinutukoy natin.

Pero kung totoong sinusuportahan nila ang operasyon ng jueteng kaya hindi pa rin nila inaaksyunan ang pamamayagpag na ito ni Viloria sa kanilang teritoryo ay makaaasa sila na hindi tayo mananahimik. Alalahaning hindi raw makalulusot ang jueteng o anumang ilegal na sugal sa mga alkalde kung hindi nila ito pinakikinabangan.

Marami ang nagdududa sa katapatan ng mga opisyal dahil alam nila na matinik ang mga pulis at matatalas ang kanilang pang-amoy kapag may ilegal na aktibidad na nagaganap sa kanilang nasasakupan. Ang puna nga ng iba ay hindi nga lang daw ito nakikita ng kapulisan kung sadyang nagbubulag-bulagan dahil “tinatapalan” sila ng pera sa mukha ng mga iligalista.

Sadya ba nilang binabalewala o hindi lang talaga nirerespeto ang utos ni Philippine National Police (PNP) chief Director-General Ronald “Bato” dela Rosa na sugpuin ang ilegal na sugal sa kanilang nasasakupan?

Kapag naupo na si PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde bilang bagong PNP chief sana ay hindi ganito ang magiging kalakaran.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.