Huwag magpadalus-dalos*  

SANA ay huwag magpadalus-dalos ang gobyerno sa pagpapasara ng sikat na Boracay Island at bigyan ng pansin ang mga kawalan na idudulot nito, hindi lamang sa bilyun-biyong pisong kinikita ng mga establisimyento kundi ang libu-libong tao na mawawalan ng trabaho.

Hindi biru-biro na mahigit 36,000 trabaho ang maaapektuhan at higit P56 bilyon ang mawawala sa buwis sakali mang magdesisyon ang administrasyon ni President Duterte na ipasara ang naturang isla upang maayos ang mga problema na natuklasan dito.

Ayon kay Leonard Tirol, direktor ng Boracay Foundation Incorporated, isang non-profit at non-stock na asosasyon, mahigit 17,000 empleyado ng mga hotel, resort, restawran, dive shop, souvenir shop, tour activist center at transport provider ang direktang maaapektuhan kapag ipinasara ang mga negosyo kahit na pansamantala lamang. Bukod dito ay apektado rin ang 19,000 na naglilingkod bilang mga masahista sa beach, tattoo artist at mga vendor.

Nagpahayag naman ang mga stakeholder ng Boracay na kinabibilangan ng Philippine Travel Agencies Association, Tourism Congress Philippines, Philippine Tour Operators Association at Organization of Hotel Sales and Marketing Professionals na hindi rin dapat balewalain umano ang katotohanan na sa kabuuang kinita ng turismo mula Enero hanggang Septyembre 2017 ay 20 porsyento o P56 bilyon ang nagmula sa Boracay.

Ayon sa opisyal ng isa sa mga stakeholder, ang ilan sa kanilang mga kliyente na nag-advance booking ay nagtatanong at nag-aalala sa nakaambang pagpapasara sa isla at nagagalit na sa kanila. Marahil ay mayroon naman ibang epektibong hakbang na puwede umanong isagawa upang maisaayos ang isla.

Sa tingin ng taga-Boracay Foundation ay dapat mabigyan ng 60 araw ang stakeholders mula Abril hanggang Mayo upang makapagsagawa sila ng sariling mga pagsisikap tungo sa paglilinis at rehabilitasyon ng kanilang paligid.

Naniniwala ang Firing Line na dapat pagtuunan muna ng pansin ng gobyerno ang mga lumabag sa umiiral nating environmental laws pero hayaang mag-operate ang mga sumusunod sa batas. Gayunman, kailangang magtulung-tulong ang mga stakeholder, local at pati na ang national government sa paglilinis at pagre-rehabilitate ng Boracay.

Nauunawaan natin ang hangarin ng gobyerno sa pangunguna ni Duterte na mapangalagaan ang ating kalikasan. Pero mahalaga rin at hindi dapat balewalain ang kapakanan ng 36,000 tao na mawawalan ng trabaho kung isasara ang Boracay.

At dahil nakatuon na rin ang gobyerno sa pangangalaga ng kalikasan ay dapat inspeksyonin din ang ibang tourist spots sa bansa upang makatiyak na ang lahat ay sumusunod sa ating mga batas. Ang mga matutuklasang lumalabag ay dapat lang aksyunan upang maagapan ang problema at matiyak na hindi ito matutulad sa Boracay.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat. Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.