Ibawal ang political dynasty*

SA kabila ng katotohanang mandato ng Kongreso, batay sa 1987 Constitution, na magpasa ng batas sa anti-political dynasty upang mapigilan ang pananatili sa kapangyarihan ng ilang mga angkang pampulitika ay patuloy na namamayagpag ang mga ito.

Ayon sa Article II Section 26 ng 1987 Constitution, “The state shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law.”

Ipinagbabawal man ng Konstitusyon ang political dynasties ay hinayaan nito sa Kongreso ang pagpapasa ng batas laban dito, na maliwanag naman na hindi nila inaksyunan. Ito ay sa kadahilanang ang karamihan sa mga mambabatas ay pawang miyembro ng dynasty na hangaring lansagin ng Saligang Batas. Wala pang naisasabatas hanggang sa kasalukuyan kaugnay ng status ng political dynasties sa Pilipinas.

Sa Local Government Code ay isinasaad ang hangganan ng termino ng mga opisyal ng local government. Pero gayun man ay wala naman sinasabi ritong limitasyon sa pagtakbo ng mga kaanak ng nakapuwestong opisyal o sa paghawak ng maraming puwestong pampulitika ng iisang pamilya.

Ang abogadong si Christian Monsod na isa sa mga bumuo ng 1987 Constitution ay aminadong nagsisisi siya na hindi sila nakapaglagay ng eksaktong probisyon laban sa political dynasties na dapat daw sana ay aabot sa ikaapat na degree ng pagiging magkaanak ang pagbabawal. Kung ito ang nangyari, kahit ang mga mag-first cousin ay masasakop ng pagbabawal.

Sa botong 10 laban sa siyam sa talakayan ng mga posibleng pag-aamyenda na puwedeng gawin sa Konstitusyon ay nanaig ang mungkahi na maglagay ng regulasyon sa halip na ipagbawal nang tuluyan ang political dynasties. Ang puna nga ng isa sa mga bumoto para magkaroon ng ban ay magkakaroon lang ng mga butas na puwedeng gamiting palusot kung regulasyon lamang ang ipatutupad.

Sa regulasyon ay palalawigin hanggang sa second degree ang relasyon ng magkakamag-anak kung saan kabilang ang mga lolo, lola, apo, mga kapatid ng pulitiko, biyenan at pati na ang mga bayaw, hipag, lolo at lola ng kanyang asawa.

Kung hindi rin makapagpapatupad ng buong pagbabawal ay makabubuti nang magkaroon man lang ng kaunting regulasyon upang mabawasan naman ang sangkaterbang magkakaanak na nakapuwesto nang sabay-sabay sa local at national positions habang nagpapasasa sa kapangyarihan.

Pero huwag sana nating kalilimutan na dapat ay buong pagbabawal ang maipatupad upang maging pantay-pantay ang pulitika at hindi sinasamantala ng mga ganid sa kapangyarihan na bumabalewala sa Konstitusyon at nananatiling nakakapit sa puwesto para sa pansarili nilang kapakanan. Ito ay malaking insulto sa ating mga mamamayang nagmamahal sa tunay na demokrasya.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat. Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *