Kauna-unahang “Alternative Learning School” building sa Kyusi binuksan

Ni Santiago Celario

Image © Youtube

BINUKSAN nitong araw ng Biyernes ang tatlong gusali at isang awditoriyum na magiging sentro ng alternative learning ng mga mag-aaral ng Don Alejandro Roces Sr. Science and Technology High School sa Quezon City.

Ang mga alternative learning school building at awditoriyum ay pinasinayaan sa pangunguna ni QC 4th District Rep. Feliciano Belmonte kasama ang ilang mataas na opisyal ng pamahalaan tulad ni Department of Education Secretary Leonor Briones, QC Vice Mayor Joy Belmonte-Alimurong, Quezon City Police Department Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar, mga konsehal ng lungsod, ang pamunuan ng RHS. Sinaksihan din ang pagpapasinaya ng mga mag-aaral ng nasabing mataas na paaralan.

Ang ipinagpatayong pondo sa mga gusali sa Barangay Obrero ay mula sa opisyal na tanggapan ni Belmonte sa House of Representatives.

Rep. Feliciano Belomonte © mb.com.ph

Ayon kay Belmonte sa kanyang talumpati, matagal ng minimithi ng mga mag-aaral at guro ng RHS ang ALS at awditorium at dahil naipagkaloob na ito ngayon ng pamahalaan ay tiyak niya na maghahatid ito sa kanila ng malaking pagsulong sa antas ng kanilang edukasyon.

Sinabi pa niya na patuloy ang kanyang ginagawang pagpapaangat ng kalidad ng edukasyon sa QC na kanyang sinimulan noong siya ang alkalde ng lungsod. Ipinaliwanag niya na mapakikinabangan ng mas maraming kabataan at susunod na henerasyon ang mga istraktura na ipinatayo ng pamahalaan.

Everybody should have the same growth and improvement when we give good education. Ito ay para sa lahat kaya ako’y nananawagan sa mga teachers na i-molde natin ang mga estudyante ng tama dahil sila ang future natin. Bigyan natin sila ng kanilang mga kailangan para makapag-produce tayo ng mahuhusay na mamamayan para pagdating ng araw, hindi lamang sila helpers, kundi may maaayos na trabaho,” diin ni Belmonte.

Kaugnay nito ay pinasalamatan naman ni Briones si Belmonte dahil sa malaking tulong ng tanggapan nito sa mga estudyante ng RHS.

Sinabi naman ni Belmonte-Alimurong na kung papalarin siya na maging alkalde ay lalo niyang paghuhusayin ang kalidad ng edukasyon sa QC sa pamamagitan ng pagkakaloob ng dagdag na learning center para sa mga kabataang mag aaral at susuporta sa K12 program ng pamahalaan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.