News

Dating pulis inaresto dahil umano sa pagkakasangkot sa mga krimen

Ni Santiago Celario

Alfredo Mabutol Jr. (left) and QCPD chief Guillermo Lorenzo Eleazar (right). Image © PTVph

ISANG dating pulis na sinasabing sangkot sa mga nakawan, maliban pa sa pagiging numero unong tulak umano ng bawal na gamot sa La Loma, Quezon City; ang inaresto ng mga kagawad ng pulisya ng nasabing lungsod nitong araw ng Martes.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/Chief Superintendent Guillermo Lorenzo Eleazar ang suspek na si Alfredo Mabutol Jr., 43, at residente ng Brgy. Salvacion, La Loma. Si Mabutol ay dating miyembro ng Philippine National Police na may ranggong Police Officer 3.

Ayon kay Eleazar, ang suspek ay no. 1 na listahan ng QCPD’s Most Wanted Person at nangunguna rin sa listahan ng mga pinaghahanap na drug personality (district level) ng mga taga-La Loma Police Station ng QCPD.

Idinagdag pa ni Eleazar na si Mabutol ay leader ng isang illegal drugs group na nagpakakalat ng methamphetamine hydrochloride o shabu sa La Loma lalo na sa Calavite St., Brgy. Salvacion; at sa kalapit na Tagaytay St., Brgy. San Jose.

Itinanggi ni Mabutol ang lahat ng akusasyon laban sa kanya.

Ayon sa ulat, inaresto si Mabutol dakong alas-7:50 ng umaga sa harap ng tahanan nito sa No. 41 Calavite St. ng mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) na pinamumunuan ni P/Superintendent Rogarth Campo at District Intelligence Division (DID) P/Supt. Pedro Sanchez. Siya ay hinuli sa bisa ng arrest warrant na ipinalabas nina Judge Severino De Castro at Aurora Hernandez Calledo ng Quezon City RTC dahil sa mga kasong robbery at bawal na gamot.

Nakakuha din ang QCPD ng bench arrest warrant laban kay Mabutol mula kay Judge Petronilo Sulla Jr., ng Pasay City RTC Branch 110 dahil sa hindi nito pagsipot sa mga kasong droga na kanyang hinahawakan noong siya ay nasa PNP pa. Dahil sa hindi niya pagpapakita sa korte ay na basura lahat ng kaso na kanyang hinahawakan.

Base sa rekord ng PNP, si Mabutol ay naging pulis noong Oktubre 1999, at ang kanyang huling assignment ay sa PNP-National Capital Region Police Office Regional Holding and Accounting Unit. Siya ay nadismiss sa pagiging pulis noong July 2017.

Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.