Opisyal ng PH Army at dalawang kasama huli sa buy-bust operation ng pulisya

Ni Santiago Celario

PA 2nd Lt. Hamel Samsodin © dolandcastro twitter page

ISANG opisyal ng Philippine Army at dalawa pang kasama nito ang inaresto ng mga kagawad ng Quezon City Police Department sa Barangay Pasong Tamo, Lungsod Quezon nitong nagdaang Miyerkoles ng gabi matapos ang isang buy-bust operation.

Kinilala ni QCPD Director Chief Superintendent Guillermo Lorenzo Eleazar ang mga suspek bilang sila Army 2nd Lieutenant Hamel Samsodin, 31; Asmilah Aliba, 23; at Mohair Masicuin, 28. Magkakamag-anak umano ang mga suspek. Bukod dito ay sinasabing drug runner umano ni Samsodin sila Aliba at Masicuin.

Nasamsam umano mula sa mga suspek ang 25 gramo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu, PhP60,000 na markadong salapi, dalawang .45 baril, isang replika ng M-16 Armalite, mga bala, granada at isang kulay puti na Hyundai Accent.

Sinabi ng mga imbestigador na si Samsodin ay na-recruit bilang sundalo noong 2016 at nagsanay bilang opisyal ng hukbo. Siya ay naka-deploy ngayon sa Pili, Camarines Sur bilang platoon leader ng 83rd Infantry Battalion.

Ayon kay Eleazar nadakip ang mga suspek dakong 10:30 ng gabi sa isang buy-bust operation sa kahabaan ng Sampaguita St., Mapayapa Village.

Nagbenta umano ang mga suspek ng umaabot sa halagang PhP60,000 shabu sa isang pulis na nagpanggap na mamimili ng bawal na gamot, dagdag pa ng hepe.

Sinabi pa ni Eleazar na matapos ang bilihan ay nakatunog si Samsodin at mga kasama nito na pulis ang kanilang pinagbentahan kaya nagtangka silang tumakas sakay nang isang kulay puti na Hyundai Accent. Dahil dito ay nagkaroon ng habulan hanggang sa masukol ang mga suspek sa kanto ng Dollar at Mark Sts. sa Brgy. North Fairview.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), R.A. 10591 (unlawful possession of firearm and ammunition) at Section 1 ng R.A. 9516 (The Law on Explosives).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.