Mga nagpakilalang miyembro ng MILF at dalawang tao nila arestado ng PDEA

Ni Santiago Celario

DALAWANG miyembro umano ng Moro Islamic Liberation Front at dalawang sinasabing drug courier nila ang naaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isang buy-bust operation na isinagawa ng ahensya sa Maynila nitong nagdaang Martes.

Kinilala ni PDEA Director General Aaron Aquino ang mga nadakip na sina Omex Omar Tuwan, alias Omex; Bong Masual Mondato alias Bong, kapwa umano miyembro ng MILF; at sina Aladin Kulapo Ali at Kharudin Kulapo Ali, mga drug courier diumano.

Ayon sa ulat na natanggap ni Aquino, mga dakong 3:15 ng hapon nang ikasa ang buy-bust operation sa Ermita District ng pinagsanib na mga operatiba ng PDEA-Special Enforcement Services at PDEA Regional Office VI sa ilalim ng pamumuno nina Director Levi Ortiz at Wardley Getalia.

Sinabi ni Aquino na narekober mula sa mga suspek ang sampung malalaking plastic sachet na naglalaman ng methamphetamine hydrochloride o shabu na tinatayang umaabot sa halagang PhP2.5 milyon, dalawang cellphones, mga financial documents at ang ginamit sa buy-bust operation na markadong salapi.

Ang mga nadakip ay mahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Article II, Section 5 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of the Philippines).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.