Dalawang hepe ng pulisya mula sa QC sinibak sa puwesto

SINIBAK mula sa puwesto nitong nagdaang Martes ang dalawang opisyal ng Quezon City Police Department matapos mahuli sa isang biglaang drug test ang isa sa kanilang mga tauhan na gumagamit umano ng bawal na gamot.

Kinilala ni National Capital Region Police Office Director Oscar Albayalde ang mga tinanggal na hepe na sina Supt. Tomas Nuñes, hepe ng Quezon City Police Fairview Police Station 5 o Lagro Station; at Station Drug Enforcement Unit chief Senior Inspector Danilo Songalia.

Inirekomenda ni QCPD Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar ang pagkakatanggal sa puwesto nila Nuñes at Songalia dahil sa command responsibility at sa ipinatutupad na “One Strike Policy” ng Philippine National Police.

Napagalaman mula sa isang sorpresang drug test na gumagamit ng bawal na gamot ang isa sa mga tauhan nila Nuñes at Songalia na si Police Officer 1 Gabby Tumaliuan Bulan na nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Fairview Police station.

Bilang standard procedure, si Bulan ay inilipat sa District Headquarters Support Unit (DHSU) at isinailalim sa restrictive custody. Binawi rin ng mga kinauukulan ang PNP badge, Identification Card at service firearm in Bulan habang inihahanda ang kasong administratibo at kriminal laban sa kanya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.