News

Tuloy ang halalang pambarangay

DILG Officer-in-Charge Secretary Eduardo Año. Image © conceptnewscentral.com

KINUMPIRMA ng Department of the Interior and Local Government nitong nagdaang Miyerkoles na tuloy ang pagdadaos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Eleksyon sa darating na Mayo.

Ayon kay DILG Officer-in-Charge Secretary Eduardo Año, malinaw ang pahayag ng Malacañang na hindi na muli pang ipagpapaliban ang naturang halalan kaya’t dapat nang itigil ang mga ispekulasyong hindi na naman ito matutuloy sa Mayo 14.

Sa katunayan, aniya, ay puspusan na ang paghahanda ng DILG at ng Philippine National Police (PNP) upang matiyak na magiging mapayapa at maayos ang nalalapit na eleksyon.

“Nagsalita na po ang Malacañang na tuloy ang eleksyon. Kaya paalala po ulit na huwag tayong magpapaloko sa mga grupong umiikot at ginagamit ang pangalan ni Presidente at ng DILG para mangalap ng mga nomination,” ani Año.

Nilinaw naman ng tagapagsalita ng DILG na si Assistant Secretary Jonathan Malaya na bagamat may dalawang panukalang batas na isinusulong sa Kamara para muling maipagpaliban ang paparating na eleksyon ay hindi pa ito aprubado at wala ring katapat na panukalang batas na isinusulong sa Senado.

Kaugnay nito ay sinimulan nang DILG ang promosyon para sa nalalapit na eleksyon sa ilalim ng kampanyang “Matino, Mahusay at Maaasahang Barangay at SK officials.” Ang layunin ng promosyon ay hikayatin ang mga botante na magluklok ng mabubuting lider na mangangasiwa sa kanilang mga lugar.

Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.