Huwag mahulog sa bitag*

NANINIWALA si retired Brigadier General Victor Corpus na sariling kaligtasan ang ipinaglalaban ng China kaya ito lumikha ng mga artipisyal na isla sa West Philippine Sea.

Ang nais daw talaga ng China ay mapigilan ang Amerika na makalapit na gamit ang kanilang Ohio Class nuclear strike submarines. Napakagandang military position daw kasi ng Manila Trench para sa Amerika. Ang Scarborough Shoal na matatagpuan sa loob ng naturang trench ay maituturing na daanan para sa armadong bapor ng Amerika sa pagbanat nito sa China.

Ang banta raw na inaalala ng China ay ang nukleyar na karga ng bapor. Apat na bapor lamang na armado ng nukleyar ay sapat na para durugin ang kanilang populasyon na may 1.4 bilyong mamamayan sa loob ng ilang oras.

Para kay Corpus ay hindi sa gas, oil o isda interesado ang China kundi sa kanilang kaligtasan. Handa silang pumasok sa digmaan kahit na gumamit pa ng armas na nukleyar para ipagtanggol ito.

Bukod dito ay nais daw pigilan ng China ang Amerika at ang mga kaalyado nitong bansa tulad ng Japan, Australia at India na makapagtayo ng harang o bakod gamit ang kanilang hukbong-dagat sa Malacca Strait at ibang kalapit na strait. Noong 2005 pa raw ay pinagsasanayan na ito ng Amerika at Australia. Maari raw sakalin ng Amerika ang mga ruta sa langis at kalakalan ng China kaya hindi gagalaw ang kanilang ekonomiya.

Kapag may paliparan sa artipisyal na isla ay puwede raw maglagay ang China ng panlabang eroplano, ballistic at cruise missile na mas marami sa puwersang panlaban ng Amerika at ng kanyang mga kaalyado.

*              *              *

Ang China ay ilang ulit nang nabatikos sa pag-aalok ng infrastructure loans sa mga nagdedebelop na bansa kapalit ng kalayaan na panghimasukan ang kanilang natural resources o ang pamamahala sa kanilang mga daungan.

Halimbawa na rito ang Sri Lanka na naulat na kinailangang ipaupa ang kanilang Hambantota port sa isang operator na Chinese sa loob ng 99 taon para mabayaran ang kanilang pagkakautang sa China. Halos ganito rin daw ang naging karanasan ng Pakistan at Nepal na kapwa umutang din sa China.

Bukas-makalawa ay maaaring pumasok tayo sa isang kasunduan, joint venture o proyekto sa China tulad ng inaalok nilang magkatuwang na pagdebelop ng oil at gas resources sa West Philippine Sea.

Halimbawang matuloy ito, nagpapaalala lang ang Firing Line na dapat mag-ingat nang husto at isaalang-alang sa lahat ng sandali ang kapakanan at interes ng ating bansa upang hindi tayo mabitag sa pamamagitan ng pagkakautang.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.
*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat. Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.