Mga nabakunahan tinututukan*

PATULOY na tinututukan ng gobyerno ang mga naturukan ng Dengvaxia laban sa dengue upang agad silang matulungan sakali mang magkaroon ng negatibong reaksyon sa kanilang katawan ang kontrobersyal na bakuna.

Sa Mindanao nga lang ay 400 residente na karamihan ay mga bata ang nabakunahan ng Dengvaxia na nagmula sa bansang France.

Ayon kay Health Assistant Secretary Abdullah Dumama ay magmumungkahi ang gobyerno ng pagpapatupad ng ID system para sa nabakunahan ng Dengvaxia sa Mindanao na magsisimula sa Davao region. Ang mabibigyan ng ID ay magkakaroon ng prayoridad sa mga ospital na kanilang pupuntahan kapag nakaramdam sila ng sintomas na konektado sa dengue.

Ang problema ay nakapagsagawa na ang pamahalaan ng malawakang programa sa pagbabakuna sa mga bata sa Luzon, ilang bahagi ng Visayas at pati na sa Mindanao bago ito ipahinto noong Nobyembre matapos umamin ang Sanofi Pasteur na gumawa ng bakuna na maaari palang magkaroon ng mas malalang sintomas ng dengue ang mga naturukan nito na hindi pa tinatamaan ng naturang sakit. Kung hindi pinabayaang makalusot ang bakuna ay hindi manganganib ang kaligtasan ng mga nabakunahan.

Ang nais ni Health Secretary Francisco Duque III ay makapagbigay ang Sanofi ng full refund dahil hindi raw nila naibigay ang proteksyon na dapat nilang naibigay sa naturukan.

Pero nagmatigas ang Sanofi at tinanggihan ito. Kapag sumunod daw sila sa kagustuhan ni Duque ay lalabas na walang bisa ang produkto nila na hindi raw totoo. May pakinabang daw sa Dengvaxia dahil mas kakaunti na ang mga kaso ng dengue kaysa sa mga hindi naturukan nito. Nakalimutan yata nila ang pag-amin na ginawa nila sa panganib na puwedeng idulot ng kanilang produkto.

At dahil kanya-kanya ang kanilang pamamaraan ng pagharap sa problema ng Dengvaxia ay patuloy ang bangayan nina Duque at ng Public Attorney’s Office (PAO) sa ilalim ni Persida Acosta.

Ang punto ni Acosta ay dapat maging agresibo ang Health secretary sa pagsagip sa mga bata at hindi raw umaasa sa University of the Philippines (UP) na wala naman tissue sample at hindi pinagtitiwalaan ng mga kaanak para magsagawa ng awtopsiya sa nasawi.

Ayon kay Duque ay ayaw makipag-cooperate ni Acosta at ibahagi ang findings ng kanyang grupo. Pero ayon sa PAO chief ay nag-aalangan siyang makipagtulungan sa DOH dahil ang interes ng PAO ay iyong namatayan at hindi pansariling interes ng sinong doktor o kumpanya.

Ang dapat ninyong tukuyin ay kung Dengvaxia ang dahilan ng pagkasawi ng mga biktima, mapanagot ang lahat ng nagsabwatan dito, at hindi makapag-refund lamang.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat. Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.