Hilakbot sa Dengvaxia*

SAAN mang bahagi ng mundo ay hindi masisisi ang mga tao kung magkaroon sila ng hilakbot o matinding pangamba sa bakuna dahil hindi nakasisiguro ang sino man sa puwedeng maging epekto nito.

Sa katunayan, umani ang gobyerno ng Africa ng masidhing galit mula sa publiko nang isailalim ang mga kabataan at may sapat na gulang na mga kababaihan sa puwersahang pagbabakuna laban sa tetano noong 2014 at 2015.

Ang hinala nila ay posibleng isterilisasyon o proseso ng pag-aalis sa kakayahan na magkaanak ang naganap at naging epekto ng naturang pagbabakuna.

Ayon sa opposition leader ng Kenya na si Raila Odinga, hindi bababa sa 500,000 mga babaing nasa edad 14 hanggang 49 ang posibleng hindi na magkaanak bunga ng bakuna na ibinenta sa bansa bilang panlaban sa tetano.

Unang pumalag ang isang grupo ng mga doktor na Katoliko na nag-akusa na ang bakuna ay posibleng nagtataglay ng hormone na beta human chorionic gonadotropin (BhCG) na mapanganib sa mga babae at posibleng maging dahilan ng isterilisasyon.

Pero kumontra man ang Simbahang Katoliko at nangampanya laban sa naganap na malawakang pagbabakuna na puwedeng maging dahilan ng pagkakalaglag ng ipinagdadalantao ay nabalewala lang ito.

Ayon kay Odinga, nakumpirma sa kanilang pagsusuri na tama ang Simbahang Katoliko na ang bakunang ginamit ay nagtataglay ng pinangangambahang hormone.

Malaking krimen umano ito sa mga babae na dapat mabigyan ng pagkakataon na mamili kung kailan nila gustong magkaanak.

Nang masuspindi ang pharmaceutical company na Agriq-Quest Ltd. Ay inakusahan nila ang gobyerno na kaya sila sinuspindi ay ayaw nilang doktorin ang resulta ng pagsusuri para palabasin na ligtas gamitin ang bakuna sa mga kabataan at kababaihan. Nakita kasi ng Agriq-Quest na tama ang hinala ng Simbahang Katoliko sa bakuna.

Sa kabila ng kontrobersya na nilikha nito ay nakagugulat na nagpahayag ang UNICEF at pati na ang World Health Organization na ligtas gamitin ang bakuna na binili raw sa karapat-dapat na kompanya.

Gayunman ay nagpahayag si Odinga na ang resulta ng pagsusuri ay mula sa kapita-pitagang mga institusyon na tulad ng mismong Agriq-Quest, Nairobi Hospital Laboratories, University of Nairobi at Lancet. Kenya.

Ang kontrobersya na naganap sa Africa ay puwede ring mangyari sa ibang bahagi ng mundo. Kung tutuusin ay wala naman nakatitiyak kung magiging ligtas o hindi ang mga nagpapabakuna maliban na lang kapag may naganap na hindi kanais-nais sa pasyente.

Masisisi ba natin kung magkaroon ng hilakbot ang mga magulang sa anumang klase ng bakuna tulad ng Dengvaxia kung kaligtasan ng mga anak ang nakasalalay rito?

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat. Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *