QC gov’t nanawagan sa pulisya na igalang ang Karapatang Pantao

Photo © Cofi Nuguid via Flickr | Manila Bulletin

PINAGSABIHAN ng Quezon City government nitong Martes ang pulisya ng lungsod na igalang ang karapatang pantao ng mamamayan habang ipinapatupad nito ang “Oplan Tokhang” at iba pang anti-illegal drugs operations.

Ayon kay Quezon City Vice Mayor Josefina “Joy” Belmonte-Alimurong, hindi dapat masaalang-alang ang karapatang pantao dahil lamang sa pagpapatupad ng mga anti-illegal drug operation ang mga awtoridad.

QC Vice Mayor Joy Belmonte-Alimurong Photo © Philippine Star

Nabatid kay Belmonte-Alimurong, na siya ring chairperson ng Quezon City Anti-Drug Abuse Advisory Council (QCADAAC), na ang paalala ng pamahalaang panglungsod ay bahagi ng bagong sistemang angkop sa patakarang “pro-life” ng lokal na pamahalaan laban sa talamak na problema ng bawal na gamot.

So far it’s good. We have a good relationship with the police,” masayang pahayag ni Belmonte-Alimurong.

Magugunitang sa unang araw ng muling pagpapatupad ng Philippine National Police ng “Oplan Tokhang” nitong nakalipas na Enero 29, 2018, sa Quezon City ay sumama si Belmonte-Alimurong sa mga elemneto ng lokal na pulisya sa kanilang pagbisita at pagkatok sa mga bahay-bahay ng mga hinihinalang sangkot sa kalakaran ng bawal na gamot sa barangay Batasan Hills.

Ayon kay Belmonte-Alimurong, ang QCPD ay nagpapatupad ng tamang sistema sa mga ginagawa nitong anti-illegal drugs operation. Idinagdag pa niya na may kasamang mga miyembro ng non-government organizations, barangay, at taong simbahan ang pulisya sa kanilang pagpapatupad ng “Oplan Tokhang.”

Nauna rito aabot sa 16,000 drug dependents ang sumuko sa local na pamahalaan, habang 1,200 dito ay nagtapos na sa rehabilitation program at 300 dito ang nasa treatment center pa at ginagamot.

Sa kabila ng mga sinabi ni Belmonte-Alimurong. ayon sa mga Human Rights Defenders (HRDs) ng bansa, ay umabot na sa tinatayang halos 14,000 ordinaryong mamamayan ang napatay umano ng PNP at mga hinihinalang vigilante sa kanilang digmaan laban sa bawal na gamot.

Karamihan sa mga napatay ay mga mahihirap. Sila ay nanlaban umano, isang bagay na mahigpit na pinabulaanan ng mga HRDs at saksi sa mga pangyayari.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *