Pangamba sa bakuna*

UNTI-UNTING lumalawak ang pangamba ng maraming mamamayan sa iba’t ibang uri ng bakuna bunga ng kontrobersyal na Dengvaxia laban sa dengue na sinisisi ng ilan sa pagkasawi ng ilang mga bata.

Maraming magulang ang tumatanggi ngayon na ipabakuna ang kanilang mga anak laban sa polio, chicken pox, tetano at iba pang mga sakit.

Pero hindi rin naman sila masisisi dahil kapakanan lang ng mga anak ang kanilang inaalala, lalo pa ngayon na pumutok ang isyu sa kontrobersyal na Dengvaxia.

Nakalulungkot ito dahil ang nais lang ng gobyerno ay maprotektahan ang mga kabataan at hindi sila madapuan ng kung anu-anong sakit.

Taun-taon ay lubhang napakalaking tulong ang naidudulot ng mga bakuna upang hindi dapuan ng sakit ang mga batang Pinoy. Apektado tuloy ang programa ng pamahalaan dahil sa malawakang takot na nadarama ng mga magulang.

Bumaba ang bilang ng mga batang sumasailalim sa imunisasyon kumpara sa mga nakalipas na taon mula nang suspendihin ng gobyerno ang pagbebenta at pamamahagi ng bakunang Dengvaxia na gawa sa France noong Disyembre.

Nag-aalala ang pamahalaan sa posibilidad na magkaroon ng epidemya dahil sa hindi pagtangkilik ng mga magulang sa inihahandog nilang bakuna.

Upang makatiyak kung may kinalaman nga sa Dengvaxia ang pagkasawi ng 14 na bata na kabilang sa 830,000 na tinurukan ng naturang bakuna ay iniimbestigahan na ito ng gobyerno.

Ang Pilipinas ay isa sa may pinakamataas na bilang ng mga nasasawi sa dengue na nakukuha sa kagat ng lamok. Noong isang taon ay 732 biktima ang nasawi nang dahil sa dengue.

Marahil ay kailangang paliwanagan nang husto ng pamahalaan ang mga magulang sa kahalagahan ng pagpapabakuna. Ang problema nga lang ay kung paano nila makukumbinsi ang mga magulang na ipabakuna ang mga anak hanggang hindi pa tuluyang nareresolba ang isyu sa Dengvaxia?

Hindi maikakaila na maging ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng gobyerno ay may kanya-kanyang pananaw at hindi nagkakasundo sa isyu.

Ang Public Attorney’s Office (PAO) ay nagsasagawa ng pag-aawtopsiya at forensic investigation sa mga katawan ng mga pinaghihinalaang nasawi dahil sa Dengvaxia vaccine. Marami ang natutuwa sa pagsisikap na ibinubuhos ng PAO para matuklasan ang katotohanan.

Pero nanawagan si dating Department of Health (DOH) Secretary Esperanza Cabral sa PAO na itigil ang kanilang pag-aawtopsiya at ipaubaya ang trabaho sa mga totoong eksperto. Hindi rin daw dapat isapubliko agad ng PAO ang kanilang findings dahil hindi pa tiyak kung may kinalaman sa Dengvaxia ang pagkasawi ng mga bata.

Sa halip na magtalu-talo ay hindi ba makabubuti kung magtutulungan na lang tayo?

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

 *Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.     

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *