Pansariling kapakinabangan*

NOON pa man ay sinasabi ko na maraming magagandang puntos ang pagpapalit ng sistema ng gobyerno sa pamamagitan ng charter change (cha-cha) tungo sa pederalismo na hindi naman dapat balewalain.

Pero lalo sana itong magsisilbing kapani-paniwala kung hindi nakikita ang term extension o pagpapalawig ng panunungkulan na hangarin ng mga nagsusulong nito.

Sa katunayan, mas magiging maayos ang pagtanggap ng mga mamamayan kung hindi nakikita na ang lahat ng pagsisikap ay papabor sa kasalukuyang administrasyon at sila-sila lang ang mabebenepisyuhan ng bagong batas.

May mga naniniwala tuloy na kung magkakaroon man ng pagbabago sa 1987 Constitution ay hindi ito dapat isagawa ng mga miyembro ng Kongreso.

Ayon sa Konstitusyon ay maaari lang baguhin ang Saligang Batas sa pamamagitan ng isang Constituent Assembly (Con-Ass) o Constitutional Convention (Con-Con) na binubuo ng mga inihalal o itinalagang mga delegado.

Ito talaga ang nararapat pero alalahanin din natin na magkakaroon lang ito ng kredibilidad kung ang mga susulat ng batas ay hindi inuuna ang kanilang pansariling kapakinabangan sa halip na interes ng mga mamamayan.

Ito ang dahilan kung bakit pati si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ay naniniwala na kung aamyendahan man ang Konstitusyon ay dapat umanong sa pamamagitan ng Con-Con na hindi kinakailangang buuin ng mga inihalal na delegado kundi ng mga mamamayan na may sapat na kaalaman sa batas, Konstitusyon, at tapat sa pagtatanggol ng human rights, civic rights at political rights na may takot sa Panginoon sa kanilang mga puso.

Sa kasalukuyang isinusulong na cha-cha ay lumutang ang anggulo na posibleng hindi magkaroon ng halalan. May nagsabi rin na puwedeng mapalawig ang termino ni President Duterte at ng mga kongresista na nakatakdang magtapos ang termino.

Ayon kay Villegas ay batid nila na ang pagbabago sa Konstitusyon ay maaaring gamitin ng iba upang mapalawig ang termino. May mga nagsabi pa kasi na ang term extension ay hindi maiiwasan at talagang kinakailangan. Pero para kay Villegas ay oportunista lamang ang maghahangad nito.

May mga naniniwala na may lumilinlang lang sa mga mamamayan para isipin na sila ang makikinabang sa gobyernong pederalismo samantalang ang tunay na hangarin ng mga sumulat ay mawala ang limitasyon na itinakda ng kasalukuyang Konstitusyon.

Kawawa naman ang mga mamamayan dahil sa halip na sila ang pangunahing makinabang sa mga pagsisikap umano ng mga kagalang-galang nilang mambabatas ay pansariling kapakinabangan pa rin ang mangingibabaw.

Bakit nga ba nila hahangarin na mapalawig ang kanilang termino at labanan ang itinakda ng kasalukuyang Konstitusyon kung hindi pansariling interes ang kanilang pinaiiral?

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *