Business News

Umiwas sa fixer

Photo © Cofi Nuguid via Flickr | Manila Bulletin

PINAALALAHANAN ng Quezon City government ang mga taxpayers, kabilang na ang mga negosyante, na huwag makipagugnayan sa mga fixers ngayong panahon ng bayaran ng business permit at buwis upang hindi maloko.

Ayon sa Quezon City Business Permits and Licensing Office (BPLO), hindi dapat makipagtransaksyon ang mga taxpayers sa mga taong hindi awtorisado ng lokal na pamahalaan.

“Taon-taon naman na binabanggit natin sa lahat ang panawagan na iwasan ng mga taxpayers na makipag-deal sa mga fixers. Subukan n’yo po munang mag-renew. Hindi po natin kailangan na makipag-usap sa fixer dahil kayo po mismo ay kayang-kayang asikasuhin ang pagre-renew ng permit,” panawagan ni BPLO chief Garry Domingo.

QC Mayor Herbert Bautista. Photo © http://newsinfo.inquirer.net

Ayon kay Domingo, ang Quezon City government sa pangunguna ni Mayor Herbert Bautista ay patuloy na humahanap ng paraan para mapabilis na ang proseso ng transaksyon at serbisyo at palakasin ang kampanya ng pamahalaan laban sa fixers.

Idinagdag pa niya na ang Quezon City ay nagi-isang representante ng Pilipinas sa World Bank sa listahan nito ng mga lungsod na madaling magnegosyo.

Sa kabilang banda ay nabatid naman mula sa National Competitiveness Council na second over-all noong 2016 ang rating ng Quezon City pagdating sa government efficiency maliban pa sa ito ay idineklarang Most Competitive City ng Philippine Chamber of Commerce and Industry.

Napapurihan din ang pamahalaang panglungsod bilang most business-friendly LGU noong nasabi ring taon.

Ang Quezon City ay ang unang lokal na pamahalaan sa Pilipinas na ipinatupad ang pagpapadali ng business-friendly process para sa business renewal application.

 

Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.