Handa ba tayo sa pederalismo?*

NAPAKAINIT na isyu ngayon kung dapat bang palitan ang sistema ng ating gobyerno mula unitary tungo sa pederalismo.

Ano ba talaga ang pederalismo? Ito ay uri ng gobyerno kung saan ang kapangyarihan ay nahahati sa central government at sa mga estado o rehiyon.

Ang atensyon ng national government ay nakatutok lang sa mga pambansang interes tulad ng foreign policy at depensa.

Ang mga estado o rehiyon na nahahati pa sa mga local government unit (LGU) ay mahaharap sa kanya-kanyang problema, ekonomiya, kultura at sitwasyon na puwede nilang bigyan ng solusyon nang hindi umaasa sa national government na sa Maynila pa matatagpuan.

Puwede silang magdesisyon kung paano pamamahalaan ang sariling industriya, kaligtasan ng publiko, edukasyon, kalusugan, at transportasyon.

Magkakaroon sila ng higit na kapangyarihan sa aspeto ng pinansiyal sa sarili nilang pera, planong pagpapabuti sa lugar at mga mamamayan at mga batas sa kanilang nasasakupan.

Ang mga rehiyon ay mabibigyan ng pagkakataon na tumutok sa ekonomiya at industriya na magpapaunlad sa kanila. Ang mga tagarehiyon ay mas mapalalapit sa kanilang mga opisyal.

Puwede ring mabawasan ang pagsisiksikan ng mga tao sa Metro Manila kung makikita nila na puwede pala silang magkaroon ng kabuhayan sa ibang mga rehiyon.

May mga batas na posibleng ipatupad ng Metro Manila na hindi katanggap-tanggap sa rehiyon ng Bangsamoro o iba pang mga estado kaya hindi nila ito kailangang sundin.

Pero sa tingin ng iba, ang problema sa pederalismo ay maaaring lalong magkahati-hati ang mga mamamayan at magningas ang hidwaan ng mga Tagalog, Cebuano, Bicolano, Ilocano, Zamboangueño at pati na ang pag-aaway ng mga Kristiyano at Muslim.

May mga estado rin na posibleng hindi pa handa sa awtonomiya dahil wala silang sapat na yaman sa larangan ng natural resources o skilled labor at lalo lang maghihirap sa ganitong sistema dahil wala ang tulong ng national government.

Sa pederalismo ay posible ring magpatuloy ang kaguluhan kung papalag ang mga Muslim na ang nais ay magkaroon ng hiwalay na bansa at hindi sariling rehiyon.

Hindi rin puwedeng balewalain ang katotohanan na bilyun-bilyong piso ang gagastusin kung lilipat tayo sa pederalismo at kakailanganin ding gumastos ang mga rehiyon kung magsasagawa sila ng halalan.

Ang mga natalakay natin ay iilan lang sa mga mabuti at hindi magandang epekto ng pederalismo. Kakailanganin ang masinsinang talakayan ng mga kinauukulan upang ito ay madesisyunan.

Pero nagpapaalala lang ang Firing Line na anuman ang maging desisyon nila ay hindi dapat kalimutan na kakailanganin ang pagpayag ng mga mamamayan kung ito man ay matutuloy.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

One Comment

  1. No to federalism

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *