Riding in tandem tumitira na naman

Image © https://ecartoonman.com

DALAWANG tao na ang napatay sa mga insidente nang pamamaril ng mga naka-riding in tandem sa Quezon City simula ng pumasok ang taon na ito.

Kinilala ang mga biktima ng karahasan na sila Geffrey Hernandez, isang driver at residente ng No. 23 Ilang–Ilang St., Brgy. Payatas, QC; at si Raymar Garais, 39, isang construction worker at naninirahan sa Geronimo Street, Brgy. Sta. Monica, Novaliches, QC.

Ayon sa pulisya, si Hernandez ay namatay sa pinangyarihan ng pamamaril dahil sa dami ng tama ng bala samantalang si Garais naman ay idineklarang “dead on arrival” sa Novaliches District Hospital kung saan siya dinala dahil sa dalawang tama ng bala ng baril sa ulo.

Sinabi ni P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), na nasa kanto ng IBP Road at Ilang-Ilang Street, Barangay Payatas si Hernandez sakay ng kanyang motorsiklo nitong Biyernes ng madaling araw nang tabihan ng naka-riding in tandem at walang sabi-sabing binistay ng bala.

Dali-daling tumakas ang mga mamamatay tao patungo ng Rodriguez (Montalban), Rizal matapos matiyak na wala ng buhay si Hernandez. Naka-rekober ng mga basyo ng bala nang .45 na kalibre ng baril ang mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen, sabi ni Marcelo.

Samantala, sinabi pa rin ni Marcelo, na naglalakad naman malapit sa kanyang bahay si Garais ng pagbabarilin din ng isang naka-riding in tandem noong Martes ng madaling araw.

Matapos ang pamamaril ay tumakas ang mga mamamatay tao patungo sa direksiyon ng Sarmiento Street sakay nang isang motorsiklo na walang plaka. Nakakuha ng mga basyo ng bala mula sa isang .9 mm na pistola at isang .45 na kalibre ng baril sa pinangyarihan ng pamamaril ang mga rumespondeng pulis, dagdag pa ni Marcelo.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang mga pangyayari.

One Comment

  1. Pingback: Riding in tandem tumitira na naman - Duterte Daily

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *