Nakalulungkot at nakaiiskandalong Katotohanan*

NAKALULUNGKOT na dahil sa gutom ay tila nasira na ang kinabukasan Paul Matthew Tanglao, isang 21 taon gulang na supermarket clerk matapos siyang mahuli, ikulong at kasuhan dahil sa pagnanakaw ng maliit na lata ng panawid gutom na corned beef na nagkakahalaga ng PhP31.50 o katumbas ng USD$0.63.

Nahaharap sa kasong qualified theft si Tanglao habang siya ay naka-kulong sa Sta. Ana Police Station sa Maynila matapos siyang idemenda ng pamunuan ng supermarket na pinagtatrabahuhan noong ika-10 ng Disyembre. Ang supermarket ay pag-aari umano ng korporasyon na pinangungunahan ng business tycoon na si Henry Sy.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya ay PhP10 (USD$0.20) lamang ang pera ni Tanglaw kaya hindi ito makabili ng pagkain mula sa supermarket na pinaglilingkuran kaya naisipan nito na mangupit ng isang napaka-liit na lata ng corned beef subalit namataan siya nang isang security guard habang ginagawa umano ang “kahindikhindik na krimen.” Agad na tumawag ng mga pulis ang pamunuan ng supermarket at walang awa na ipinadampot si Tanglaw.

Kung ang pagbabatayan ay ang ipinagmamalaki ng mga pul-politiko na mabuti umanong katatayuang pang-ekonomiya ng Pilipinas ay hindi dapat nangyayari ang trahedya na sinapit ni Tanglao.

Lumalabas na sa kabila pala ng mga propaganda ng mga pul-politiko tungkol sa sinasabing pag-unlad ng Pilipinas ay hindi talaga bumubuti ang buhay ng ordinaryong mamamayan tulad natin at ni Tanglao, at ang talagang nagatatamasa lamang ng mga probetso sa sinasabing lumalaking Gross Domestic Product ay yung mga dambuhalang kumpanya tulad ng pinangungunahan ng mga business tycoons tulad ni Sy at kanilang mga pamilya.

Bilang mga Kristyiano, isa sa mga tungkulin natin ay bigyang katarungan ang kalalagayan ni Tanglao at kalingain ang mga nagkakasala dahil sa gutom tulad niya.

Walang katarungan sa gutom na kanyang nararamdaman dahil alam naman ng lahat na hindi dapat nagugutom ang mamamayan nang isang bansa na mayaman sa likas yaman.

Isa pang nakaiiskandalo sa pangyayaring ito ay alam din naman natin na sa ating bayan yung mga nangungulimbat ng bilyong piso mula sa kaban ay hindi nakukulong, bagkus ay pinararangalan at hahalal pa sa poder samantalang yung tulad ni Tanglaw na walang kakayahan at maliit lamang ay walang pakundangang kung bitbitin patungo sa bilangguan ng mga nagmamagaling na awtoridad.

Kung hindi kayo naiiskandalo sa ganitong kalalgayan ay baka wala na talagang pag asa ang ating bayan.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maari kayong pumunta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.