Pinaghihinalaang tulak ng droga nahuli habang kumukuha ng police clearance

Quezon City Hall. Photo © Cofi Nuguid via Flickr | Manila Bulletin

NADAKIP ng pulisya sa kanilang mismong istasyon sa Quezon City Hall ang isang pinaghihinalaang tulak ng droga habang siya ay kumukuha ng police clearance nitong Huwebes ng umaga.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Chief Superintendent Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang suspek na si Francis Grajo, 38 taong gulang at naninirahan sa No. 025 Katuparan St.,Brgy. Commonwealth, QC.

Sinabi ni Eleazar na dakong alas 8:30 ng umaga nang dakipin si Grajo habang kumukuha ng police clearance sa tanggapan ng QCPD Clearance Section dahil lumabas sa record ng mga pinaghahanap ng awtoridad ang kanyang pangalan.

May electronic-subpoena laban kay Grajo dahil sa dalawang kaso ng rape sa Calabanga, Camarines Sur, sabi ni Eleazar.

Gayun man ay nakapagpakita ang suspek ng court order na nagsasabing ang kanyang mga kaso ay naayos na dahil ang mga ito ay ibinasura ng hukuman. Pero napag-alaman ng mga awtoridad na may panibago pang warrant of arrest si Grajo dahil naman sa sinasabing paglabag niya umano sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Halagang PhP200,000 ang itinakdang piyansa ng hukuman para sa pansamantalang paglaya ng suspek, sabi ni Eleazar.

Agad na dinala si Grajo sa tanggapan ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), kung saan siya nakapiit habang ipinapaalam sa hukuman ang pagkakaaresto sa suspek.

One Comment

  1. Pingback: Pinaghihinalaang tulak ng droga nahuli habang kumukuha ng police clearance - Duterte Daily

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *