Palpak na trabaho*

MULI na naman nalagay sa alanganin ang pagtitiwala ng madla sa pulisya nang dahil sa kapalpakan ng ilan nilang kabaro na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang tao kabilang na ang isang babae, at pagkasugat ng iba pa sa Mandaluyong City.

Nagpahayag na si Presidential Communications Secretary Martin Andanar na hindi magkakaroon ng pagtatakip sa isinasagawang imbestigasyon sa naganap na pamamaril na kinasangkutan ng 10 pulis at ilang barangay tanod. Ang ibang tao na sangkot ditto ay dapat din umanong mapanagot.

Totoo naman na mabilis ang naging aksyon ni Director Oscar Albayalde, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Agad nitong sinibak, dinisarmahan at isinailalim sa ballistic test ang mga armas ng 10 pulis na sangkot sa kaganapan upang matukoy kung sino sa kanila ang nagpaputok ng baril. Isinailalim din sila sa “restrictive custody” ng Eastern Police District (EPD).

Pati na ang hepe ng Mandaluyong Police na si Senior Superintendent Moises Villaceran Jr. ay tinanggal sa puwesto nang dahil sa “command responsibility.”

Sinuspinde naman ng alkalde ng Mandaluyong ang mga barangay tanod na sangkot sa naganap na pamamaril at ipinasuko ang kanilang mga armas.

Ayon sa kapulisan, sa kasagsagan ng mainit na pagtatalo ng dalawang grupo sa construction site sa Mandaluyong City College Freedom Park ay pinaputukan ng isang LPG delivery man sa ulo ang biktimang si Jonalyn Ambaon. Agad sumaklolo ang mga kasama ni Ambaon para maisugod siya sa ospital.

Pero ini-report ng kanilang mga kalaban na may mga armadong kalalakihan na lulan ng kulay puting Mitsubishi Adventure na namamaril at hiningi rin ang tulong ng pulisya. Hinabol ng mga barangay tanod ang sasakyan ng mga biktima at pagdating sa Shaw Boulevard ay pinaputukan.

Dumating ang mga operatiba ng Mandaluyong Police at nagsumbong ang mga tanod na armado ang mga sakay ng behikulo. Nang hindi bumaba ang mga nasa sasakyan ay pinaulanan nila ito ng bala. Narekober daw ang 36 na basyo ng bala sa crime scene.

Dahil sa tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nasawi sina Ambaon at Jomar Hayawon at sugatan ang iba nilang kasama.

Palaisipan para sa marami, kabilang na ang Firing Line, kung bakit nakinig ang mga pulis sa sabi-sabi ng kung sinu-sino nang hindi ito napatutunayan. Hindi ba standard operating procedure (SOP) sa mga pulis na i-check muna kung totoo ang impormasyon na kanilang nakuha bago ito aksyunan? Ano ang nangyari?

Ang tanong pa ay kung bakit armado ang mga tanod ng Mandaluyong na hindi naman awtorisadong magdala ng baril?

Ang puna ng iba ay baka naman umano dati nang magkakakilala ang mga pulis at tanod na ito at magkakasamang naghahari-harian sa Mandaluyong.

*              *               *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.