Isang Mapagpalayang Pasko sa ating lahat

ANG araw ng Kapaskuhan ay ipinagdiriwang natin na mga mananampalataya bilang paggunita sa pagsilang ng dakilang manunubos na si Hesukristo.

Dangan nga lamang ay may palagay ako na para sa karamihan, ang pagbubunying ito ay nakatuon lamang sa kanyang masayang kapanganakan at hindi natin natutuunan ang mas malalim na ibig sabihin ng pangyayaring ito.

Kung susuriin natin ang dasal na itinuro sa atin ng Panginoong Hesus, Ang Ama Namin o “The Lord’s Prayer” ay mapapansin na ito’y isang panawagan na sana ay mapasaatin ang kaharian ng Diyos at harinawa ay masunod ang kanyang kalooban “dito sa lupa para ng sa langit.”

Sa kontekstong ito ay dapat nating maunawaan na ang Kapaskuhan ay hindi lamang araw ng pagsilang ng Manunubos. Ito ay simula nang pagtatayo ng kaharian ng Diyos at umpisa ng pagbibigay ehemplo ni Hesus kung papaano masusunod ang kalooban ng kanyang Ama sa langit dito sa lupa.

Ang Kaharian ng Diyos, na kakikitaan ng Katotohanan, Kalayaan, Kapayapaan, Pag-ibig at Katarungan; ay hindi mahika na bigla na lamang lilitaw sa ating harapan.

Malinaw sa mga aral na iniwan sa Banal na Aklat na kailangang patunayan natin, sa Awa ng Diyos, na tayo ay karapatdapat sa kahariang ito. Ang matandang kasabihan na “nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang awa” ay dapat maglinaw sa ating pangunawa na ang mga gumagawa ay kinahahabagan ng Diyos.

Kailangan nating kumilos upang maitayo ang kaharian ng Diyos at makaaasa tayo na ang ating pagkilos ay kakasehan ng awa ng Panginoon. Ang mga dapat nating gawin upang maitayo ang nasabing Kaharian ay isiniwalat na ni Hesukristo mula ng siya ay isinilang, susundan na lamang natin ito.

Sa madaling salita ang Kapaskuhan ay simula ng ating pagkakatubos sa kasalanan, umpisa ng pagtatayo ng kaharian ng Diyos at pagbubukal ng kanyang kalooban dito sa lupa. Ito ang buod o esensiya kaya natin dapat ipagbubunyi ang Kapaskuhan.

Harinawa na sa paggunita at pagbubunyi natin sa pagsilang ng dakilang manunubos ay maging mapagpalaya para sa ating lahat ang araw ng Pasko. Huwag sana nating makalimutan ang pakay ng kanyang pagsilang sa mundo.

Mabuhay…at muli ay isang Mapagpalayang Pasko ang dalangin ng Usaping Bayan para sa ating lahat.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maari kayong pumunhta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *