Hagupit muli ng bagyo*

HINDI pa man nakahihinga nang maluwag ang ating mga kababayan sa kalupitan na ipinaramdam ng bagyong “Urduja” ay nakaranas na naman tayo ng hagupit ng mas malakas na bagyo na pinangalanang “Vinta.”

Naulat noong Linggo na libu-libo ang napilitang lumikas at iwan ang kanilang mga tahanan sa katimugang bahagi ng bansa nang humagupit ang bagyo noong Biyernes na nag-iwan ng 182 katao na nasawi.

Ayon sa Federation of Red Cross and Red Crescent Societies (IFRC) ay aabot sa mahigit 70,000 tao ang apektado sa Mindanao.

Natataranta umanong nagsilikas ang mga tao upang iligtas ang mga sarili at biglaang iniwan ang kanilang mga ari-arian dahil sa pananalakay ng flash floods at mudslides bunga ng bagyo.

Ayon sa pulisya ay nawawala ang 153 tao. Mahigit 40,000 naman umano ang nagsilikas sa mga evacuation center.

Nagtulung-tulong ang mga pulis, sundalo at mga sibilyan na kusang kumilos at gumamit ng mga pala upang hukayin ang mga putik at hanapin ang katawan ng mga biktima.

Ayon sa isang pulis mula Tubod, Lanao del Norte ay tumaas ang tubig sa ilog kaya inagos ang karamihan ng kabahayan at tuluyang nawala ang nayon.

Ang Lanao del Norte ay isa sa mga lalawigan na nahagupit nang husto ng bagyo. Ayon sa mga awtoridad ay 127 ang kumpirmadong nasawi rito samantalang 72 ang nawawala. Dose-dosenang katawan ang nakuha ng mga tagapagligtas sa umapaw na Salog River.

Nakatanggap naman daw ng mga babala ang mga tao pero hindi ito gaanong sineryoso ng mga naninirahan na malapit sa mga ilog dahil bihira naman silang tamaan ng mga bagyo.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang maranasan ng ating mga kababayan ang galit ni Urduja na kumitil din ng ilang Pilipino. Sa katunayan, may mga nawawala tayong kababayan bunga ng naturang bagyo na hindi pa rin natatagpuan hanggang ngayon.

Lubhang nakalulungkot isipin na hinagupit tayo ng dalawang malulupit at magkakasunod na bagyo nang ilang araw na lang bago sumapit ang Pasko. Sasalubungin ito ng iba nating mga kababayan sa pamamagitan ng mga burol at paglilibing sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

May mga ahensya ng gobyerno na kumikilos na para sumaklolo sa mga sinalanta nating kababayan.

Hinihimok ng Firing Line ang ibang mga pribadong organisasyon at samahan na maghawak-kamay sa pagkakataong ito upang tumulong at makapagbigay ng makakain sa kawawa nating mga kababayan na biktima ng bagyo.

At para naman sa mga sinalanta nating mga kababayan, huwag ninyong balewalain ang mga maririnig na babala dahil ito ay para sa inyong kaligtasan at kapakanan.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

One Comment

  1. Pingback: Hagupit muli ng bagyo* - Duterte Daily

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.