Pasikat kasi*

ANG kontrobersya kaugnay sa padalos-dalos na pagbibigay ng bakuna laban sa Dengue ng Philippine Department of Health sa mga kabataan ay bunga ng walang kalingang pagtupad sa tungkulin at pagpapalapad ng papel o pagpapasikat ng mga nasa poder sa kanilang mga padrong politikal na nagupo sa kanila sa puwesto.

Dahil sa kapabayaang ito ay nalalagay ngayon sa panganib ang buhay nang laksa-laksa nating mga kabataan na nabakunahan gamit ang bakuna na hindi naman pala inendorso ng World Health Organization (WHO) dahil sa kakulangan ng datos na tumitiyak na ligtas itong gamitin, taliwas sa palusot ng dating kalihim ng DOH na si Dr. Janette Garin.

Ayon sa WHO, hindi nila inendorso ang bakunang Dengvaxia sa ating pamahalaan. Nalaman na lamang nila na ginagamit na ang bakunang ito sa ating mga kabataan ng DOH, na noon ay pinamumunuan ni Garin, kahit wala pa ang payo o go-signal ng WHO-Strategic Group of Experts.

Gayun man ay “consuelo de bobo” na nilinaw ng WHO na napunuan naman ng ating pamahalaan ang mga alituntunin na kinakailangan sa pagbibigay ng bakuna.

The WHO noted that the vaccine should be used in areas where a high proportion, or at least 70%, of the population had been exposed to the virus. It also said the vaccine must only be given to people aged 9 and above, and those to be vaccinated must receive 3 doses.”

(Download a copy of WHO’s position paper http://www.who.int/wer/2016/wer9130/en/).

Pumutok ang kontrobersya matapos umamin ang gumagawa ng Dengvaxia, ang Sanofi Pasteur, na mapanganib gamitin sa mga hindi pa nagkaka-Dengue ang bakuna dahil kapag tinamaan sila ng sakit na ito ay malamang na mas malalang Dengue ang kanilang aabutin.

The vaccine’s use on individuals who have not been infected by the Dengue virus prior to immunization could lead to more severe cases of Dengue infection,” paliwanag ng Sanofi Pasteur.

Dahil sa ginawang pagpapaliwanag ng Sanofi Pasteur ay napilitan ang DOH na ipatigil ang pagbibigay ng bakuna laban sa Dengue. Dangan nga lamang ay umaabot na sa mahigit na 700,000 kabataan ang nabakunahan nito.

Malinaw pa sa sikat ng Haring Araw na kapabayaan at pagwawalang bahala ang ugat ng trahedyang ito. Lumalabas pa, ayon sa mga kwentong bayan, na dahil sa may mga ibig magpasikat sa kanilang mga pinagkakautangan ng poder kaya ipinilit na gamitin ang bakuna kahit hindi pa malinaw kung ligtas ang paggamit nito.

Ang mga ganitong opisyal ang dapat dinidiinan at nilalapatan ng mabibigat na parusa dahil lahat ng tinatawag ng mga abogado na “aggravating circumstance” ay may presensya sa kanilang ginawang kapabayaan.

Dapat ninyong pagbayaran ang ginawa ninyo sa taong bayan.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring ay maari kayong pumunhta sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subdivision, Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City. Malapit lamang sa Metro Manila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Magpadala nang mensahe sa www.facebook.com/privatehotspringresort para sa karagdagang impormasyon o reserbasyon ng lugar. Salamat po.

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *