News

Quezon City hinikayat ang mamamayan na isumbong ang mga sangkot sa droga, kriminalidad, karahasan at corruption

Photo © Cofi Nuguid via Flickr | Manila Bulletin

HINIKAYAT ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang mga mamamayan, lalo na ang mga residente ng siyudad, na isumbong sa awtoridad ang mga taong sangkot sa bawal na gamot, kriminalidad, karahasan at corruption. 

Kaugnay nito ay nagpakalat ang lokal na pamahalaan ng mga “suggestion boxes” sa 142 barangay at mga simbahan sa lungsod kung saan maaring ipaabot sa pamahalaan o sa kinauukulan ang mga panukala o sumbong ng bayan.

Sa paglulunsad ng “suggestion box project,” sinabi ni QC Vice Mayor Joy Belmonte-Alimurong na dahil dito ay magiging mabilis ang pamamahayag ng taong bayan ng kanilang mga panukala at hinaing sa lokal na pamahalaan.

Idiniin pa niya na hindi lamang tungkol sa illegal drugs ang puwedeng ihulog sa mga suggestion boxes kundi impormasyon na rin tungkol sa iba pang usapin tulad ng corruption, kriminalidad at violent extremism.

Sinabi pa nya na makaaasa ang taong bayan na aaksiyonan at agarang sosolusyun ng mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan ang ano mang hinaing na mapatutunayang totoo.

Samantala, sa isang pulong balitaan nitong Lunes ay sinabi ni Belmonte-Alimurong na kapag tungkol sa illegal drugs, kriminalidad at violent extremism ang reklamo ay agad itong ipararating sa tanggapan ni QC Police Director Guilermo Eleazar para aksyonan at kapag tungkol naman sa corruption sa loob ng lokal na pamahalaan ng QC ay agad itong ipararating sa kaukulang ahensiya ng pamahalaan.

Samantala, sinabi naman ni Director Eleazar na malaking tulong ang programang inilunsad ng vice mayor ng QC lalo na sa kampanya laban sa krimen at illegal drugs.

Itong suggestion box ay parang text info na aming matatangap. Ito ay mga info na kailangang kunan namin ng mga ebedensiya dahil ito ay boses na kailangan aksiyonan. Kung ang concern ay tungkol sa isang QC police station ay agad naming itong ibibigay sa concerned police station for action. We will validate all complaints to prove na may ganitong pangyayari,” ani pa ni Eleazar.

Samantala, hinikayat naman ni Belmote-Alimurong at Eleazar ang mga reporters na palagiang magmasid at iulat ang mga tunay na kaganapan kaugnay sa kampanya ng pamahalaan kontra illegal drugs.

 

Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

One Reply to “Quezon City hinikayat ang mamamayan na isumbong ang mga sangkot sa droga, kriminalidad, karahasan at corruption

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.