Problemang STL*

MASALIMUOT ang sitwasyon na kinalalagyan ngayon ng Happy Cool Gaming Inc. dahil maaaring ma-revoke ang lisensya nito dahil umano sa hindi pagbabayad nang husto sa Philippine Charity Sweepstakes Office.

Ang Happy Cool Gaming ang may hawak ng prangkisa ng small town lottery (STL) sa southern Metro Manila kaya natural lang na may obligasyon silang bayaran ang Presumptive Monthly Revenue Receipt (PMRR) sa PCSO subalit hindi raw nila ito nagagampanan.

Habang patuloy daw na lumolobo ang kanilang pagkakautang sa PCSO ay apektado rin ang kapasidad ng pamahalaan na suportahan ang kanilang mga programa na magbibigay ng tulong sa mga maralita nating kababayan na may problema sa kalusugan.

Hindi ba nakukonsensya man lang ni katiting ang mga kinauukulan sa problema na kanilang nililikha at sa mga tao na posibleng lumala ang sakit at masawi dahil dito?

Napag-alaman na kung patuloy pa rin umano na babalewalain ng Happy Cool ang obligasyon nito sa PCSO ay wala nang magagawa ang ahensya kung hindi i-revoke ang lisensya nito para makapag-operate.

Kakarampot lang daw ang nire-remit ng Happy Cool sa gobyerno na wala pang 10 porsyento sa milyones nilang obligasyon. Hindi ito puwedeng balewalain o palusutin ng pamahalaan.

Nagawa pang mangatwiran ng Happy Cool at ibinunton ang sisi sa mahinang pagtaya at pagtangkilik sa STL ng mga mananaya bunga raw ng mga nagkalat na sugal na tulad ng jueteng, ending, lotteng, bukis ng karera at iba pa.

Si Toto Albano ang financier ng Happy Cool na nanalo sa bidding ng STL sa southern Metro Manila noong Enero. Pero ipina-subcontract pa ng Happy Cool ang lisensya nila sa STL sa isang Prosy Terrei.

Ang management na nagbubukis sa ilalim ng STL ni Prosy ay sinasabing sina Joy, Edgar at Deck-deck sa Parañaque; Boy Arojado, Richard, Gie, Emy, at Tisay sa Muntinlupa; Leo at Alan sa Las Piñas; Olan, Daguis at Jovit sa Pateros; at Ayungen sa Taguig.

Sino kaya kina Albano at Terrei ang sisingilin ngayon ng gobyerno rito?

Ang problema pa ay binubukis umano sila nina Totoy Haruta, na dating jueteng operator ng Laguna, at ABC president Walter ng Muntinlupa. Ang financier daw ng bukis ay si Edwin Tose.

Usap-usapan pa na niraraket umano ni Haruta ang kanilang STL dahil ang kombinasyon ng mga numerong nanalo ay nagmumula raw sa bolahan na ginawa sa northern Metro Manila.

Hindi ba sumasagi man lang sa isipan ni Prosy ang anggulong ito at kuntento na siya na laging abonado sa araw-araw nilang operasyon? Paano nga sila makababawi kung may gaguhan na nangyayari?

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

 

*Ang mga pananaw sa artikulong ito ay sa sumulat.  Maaring hindi ito ang opisyal na posisyon ng Beyond Deadlines.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.