Pasko sa Pilipinas

A typical Media Noche in the Philippines. Image @ https://www.barakonews.com

HALOS dalawang linggo na lamang at sasapit na ang Pasko.

Ang Pasko ang pinakamahalagang okasyon na inaabangan ng karamihan sa ating mga Pilipino. Marahil dahil na sa malalim na paniniwalang sa araw na ito, Disyembre 25, ay isinilang si Hesukristo sa Jerusalem.

Bagama’t may pagtatalo sa petsa ng tunay na kapanganakan ni Hesukristo, ang mga Pilipino, na mayorya ay Katoliko, ay nasanay nang ipagdiwang ang Pasko sa petsang ito.

Ang totoo ay hindi mahalaga ang petsa. Ang mahalaga’y ang pagbubuklod ng pamilya sa araw ng Pasko. Maraming pamilya ang nagsasalo-salo sa anumang pagkaing naihanda, lalo na sa Media Noche o Noche Buena, na ginagawa sa Disyembre 24 bago sumapit ang alas 12 ng gabi. Hudyat ito ng buong araw na selebrasyon ng pamilya, mga kamag-anak at mga kaibigan. Kung hindi man maganap ang mga reunion sa mismong araw ng Pasko, ginaganap ito sa ano mang araw hanngang Bagong Taon o sa Three Kings o Feast of the Ephiphany.

Ang Pilipinas ang may pinakamahabang selebrasyon ng Pasko. Nagsisimula ito sa Disyembre 16, sa pamamagitan ng Simbang Gabi kung saan idinaraos ang Misa sa madaling araw, alas 4:00 kadalasan.

Ayon sa mga mga historyador, pinalaganap ng mga Kastila ang Misa de Gallo, o Simbang Gabi (simbang madaling araw) upang makasimba muna ang mga magsasaka bago sila magtrabaho sa bukid. Sa pagdaan ng panahon, ang Misa de Gallo ay naging Simbang Gabi na dahil ginaganap ang Misa kung gabi.

Sa ngayon, ang Simbang Gabi ay naiiugnay ng mga kabataan sa kasayahan pagkatapos ng Misa. Maraming kakanin sa patyo ng simbahan tulag ng bibingka, puto bumbong, suman,kalamay na sinasamahan ng salabat o mainit na kape. Tunay na naging simbolo na ng Simbang Gabi ang katutubong pagkain.

Bilang paghahanda sa Kapaskuhan, nagsasabit ng parol sa harap ng kanilang bahay ang mga Pilipino bilang simbolo ng Star of Betlehem, na ayon sa bibliya ay nakita at naging gabay ng tatlong Mago upang matunton nila ang sabsaban na kinalalagyan ng sanggol na si Hesus.

Ang mga kabataan naman ay nagka-karoling sa bahay-bahay. Kinakanta nila ang mga awiting pamasko at binibigyan naman sila ng may-ari ng bahay ng pera bilang kapalit o simbolikong pagbabahagi ng biyaya.

Sa araw mismo ng Pasko, punong-puno ang mga simbahan, lalo ng mga batang nakabihis ng bago at magagandang damit.Pagkasimba ay tuloy sila sa mga ninong at ninang o kaya ay sa mga lolo at lola upang magmano o huminingi ng bendisyon, isang napakagandang tradisyon.

Ito rin ang hudyat ng buong araw na selebrasyon ng magkakamag-anak, ng reunion at kasayahan. Ang ganitong mga pagtitipon ang inaasam lalo ng mga OFW’s o mga Pilipinong nagtatrabaho o yaong mga nakatira na sa ibang bansa.

Maaaring may mga nagbago na sa tradisyong Pilipino sa pagdiriwang ng Pasko dahil na rin sa modernisasyon o komersyalismo, subali’t nananatili ang diwa ng tunay na Pasko, ang pasasalamat sa pagsilang ni Hesukristo.

Ito ang nagbubuklod sa maraming Pilipino.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.