Environment News

Bulkang Kanlaon at Bulusan balisa

Mount Kanlaon. Image © https://en.wikipedia.org

PATULOY na nag-aalboroto ang bulkang Kanlaon sa lalawigan ng Negros ngunit sa kabila nito ay sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na “moderate” lamang ang kilos nito.

Ayon sa Phivolcs, nakapagtala nang siyam na volcanic earthquakes ang mga monitoring equipment nito sa paligid ng Kanlaon mula nang magpakita muli ito ng buhay noong ika-23 ng Nobyembre.

Sinabi ng Phivolcs na sa kabila ng mga pagkilos ng nasabing bulkan ay walang dapat ipangamba ang taong bayan dahil nanatiling “Alert Level 2 o moderate” lamang ang pag-aalboroto nito.

Gayun man ay pinayuhan ng Phivolcs ang lokal na pamahalaan at ang publiko na mahigpit na ipatupad ang pagbabawal sa pagpasok ng sino man at paglilikas sa mga naninirahan sa loob ng 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng bulkan dahil sa banta ng pagsabog nito.

Hiniling din ng Phivolcs sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na payuhan ang mga piloto na iwasang lumipad malapit sa bunganga ng bulkan.

Mahigpit na inoobserbahan ng Phivolcs ang Kanlaon, ang pinakamataas na bundok sa Kabisayaan, dahil sa mga nakalipas na pag-aalboroto nito nitong nakalipas na mga taon. Huli itong sumambulat noong 2006.

Mount Bulusan. Image © http://bicoltoday.com

Samantala, tila hindi naman pahuhuli sa Kanlaon ang bulkang Bulusan sa Sorsogon dahil nakapagtala rin dito ang Phivolcs nang dalawang volcanic earthquakes nitong nagdaang Miyerkoles.

Gayun man, maliban sa pagyanig, ay hindi maobserbahan ang paligid ng bulkan dahil sa makapal na ulap na bumabalot sa bunganga nito. Bilang tugon ay itinaas ng Phivolcs ang “Alert Level 1” sa nasabing bulkan.

Pinayuhan din ng Phivolcs ang mga lokal na pamahalaan sa paligid at malapit sa bulkan na mahigpit na ipagbawal ang pagpasok ng publiko sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) ng bulkan dahil maari itong pumutok ano mang sandali.

Nagpayo rin muli ng ahensya ang sa CAAP na bigyang babala rin ang mga piloto na iwasang lumipad malapit sa bunganga ng Bulusan dahil sa panganib na hatid ng abo kung sakaling biglang pumutok ito.

Kasabay din nito ay nagbabala ang Phivolcs sa mga residente na naninirahan sa timog silangan at timog kanlurang bahagi ng bulkan na maging mapagbantay sa sandaling bumuhos ang malakas na ulan dahil sa maari itong maghatid ng lahar mula sa bunganga ng Bulusan.

Ang Bulusan ay huling pumutok noong Disyembre ng nagdaang taon.

Santiago Celario
Si Santiago Celario ay isang batikang manunulat ng mga balita sa wikang Pilipino. Nagtapos siya ng kursong Agham Pampolitika (Political Science) sa Pamantasang Manuel Luis Quezon noong 1989 at nakakuha ng sertipikasyon sa Pamamaraan ng Pagtuturo sa nasabi ring pamantasan ng sumunod na taon. Sa kasalukuyan, maliban sa Beyond Deadlines, ay nagsusulat si Santiago sa iba't ibang pahayagang tabloid sa Kalakhang Maynila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.