Pangulo ng grupong PISTON malisyosong dinakip ng pulisya?

PISTON President George San Mateo. Image © http://news.abs-cbn.com

SINADYANG pinigilang makapagpiyansa umano ng pulisya ang pangulo ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide na si George San Mateo matapos nila itong arestuhin nitong araw ng Martes sa loob ng Bulwagan ng Katarungan ng Lungsod Quezon bago ito maglalagak sana ng piyansa.

Ayon sa mga awtoridad, dinakip si San Mateo dahil sa pangunguna sa mga malawakang “jeepney driver strikes” nitong unang bahagi ng taong kasalukuyan.

Idinagdag pa ng pulisya na si San Mateo, na nahaharap ngayon sa kasong “Violation of the Public Service Act” kaugnay sa isang aklasan ng mga tsuper nitong nagdaang buwan ng Pebrero, ay dinakip sa bisa ng isang mandato de aresto na ipinalabas ni Metropolitan Trial Court Branch 43 Judge Don Ace Mariano Alagar.

Ayon kina Representatives Antonio Tino ng Alliance of Concerned Teachers at Ariel Casilao ng Anak Pawis Party-list, maglalagak sana ng PhP4,000 piyansa si San Mateo kaugnay sa kasong kinakaharap nang dakmain ng pulisya. Sa katunayan, aniya nila, nasa loob na ito ng Bulwagan ng Katarungan upang magpiyansa subalit sa kabila noon ay hinuli pa rin ng mga awtoridad ang pangulo ng PISTON.

Naging mainit si San Mateo sa mga awtoridad nang pangunahan nito ang dalawang araw na tigil pasada o transport holiday noong Nobyembre at mga kilos protesta nitong buwan ng Disyembre.

Napag-alaman pa na itinigil ng PISTON ang kanilang pagpoprotesta sa ulat na pagpephaseout ng mga jeepney sa lansangan nang manawagan si Senadora Grace Poe na bigyan pansin muna nila ang gagawing pagbusisi ng Senado sa jeepney modernization.

Una nang sinabi ni San Mateo na wala silang nilalabag na batas sa pagsasagawa ng transport holiday dahil ito ay kanilang karapatan na ihayag ang damdamin at saloobin sa iba’t ibang mga bagay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *