Palpak na bakuna?*

MARAMI ang naalarma nang pumutok ang balita na posibleng nanganganib ang mga estudyante ng pampublikong paaralan na naturukan ng bakuna laban sa dengue.

Sino nga ba ang hindi kakabahan matapos magpahayag ang Sanofi Pasteur na manufacturer ng bakunang Dengvaxia na hindi ito dapat iturok sa mga estudyante na hindi pa tinatamaan ng dengue virus dahil puwede itong maging sanhi ng mas malalang impeksyon kapag dinapuan sila ng dengue sa unang pagkakataon.

Bunga nito ay ipinag-utos ng Department of Health (DOH) na itigil ang pagbibigay ng dengue vaccine sa mga estudyante.

Hindi ito maituturing na biru-biro dahil aabot daw sa 733,713 kabataan na may edad na siyam na taon gulang pataas ang nainiksyunan ng naturang bakuna. Ayon sa DOH ay may 789,010 units ng Dengvaxia na nakatakdang mag-expire sa 2018 ang hindi pa nagagamit.

Mahigpit na mino-monitor ng Department of Education ang kondisyon ng mga estudyanteng nabigyan ng Dengvaxia lalo na’t nasa ilalim ito ng school-based dengue vaccination program ng pamahalaan.

Nagpahayag ang DOH na may 30 buwan pang proteksyon ang mga nabakunahan kahit hindi pa dating nagkakaroon ng dengue. Pagkatapos ng panahong ito raw posibleng makita ang malalang dengue na puwedeng idulot ng bakuna. Gayunman ay wala pang linaw kung gaano kalala ito puwedeng umabot.

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre ay uutusan niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na alamin kung nakapagbigay ang Sanofi Pasteur ng sapat na babala sa DOH sa panganib na posibleng dala ng bakuna.

Dapat itong sumailalim sa masinsinang imbestigasyon upang matukoy kung may katiwalian nga na naganap at may mga namantikaan ang nguso sa pagbili ng bakuna kaya nagkaroon ng kapalpakan lalo na’t nagkakahalaga ang deal na ito ng P3.5 bilyon.

Alalahaning maraming opisyal ng gobyerno na ang nakitang nasilaw, naging ganid at luko-loko kapag humahawak ng public funds na mas maliit ang halaga.

Kinuwestyon na sa Kongreso ang pagbili sa naturang bakuna bago matapos ang 2016 dahil sa halaga na ginasta rito at sa paunang target nito na isang milyong kabataan. Ang ibang mga katulad na programa ay nangailangan lamang ng 20,000 hanggang 30,000 mga bata.

Mabigat na responsibilidad ang nakaatang sa balikat ng pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan. Noon pa man ay umaasa na ang ating mga mamamayan lalo na ang mga maralita sa bakuna na ibibigay ng pamahalaan para sa kanilang mga anak.

Kung totoong nakapipinsala ang Dengvaxia, hindi man ginusto ng gobyerno na magkaroon ng kapalpakan ay sila pa rin ang pagbubuntunan ng sisi dahil sa kapabayaan.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.

Read More:

Dengue Prevention Program in Philippines Could Actually Worsen Disease

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *